HATAWAN
ni Ed de Leon
NATALO, pero maraming kakampi si Michelle Dee sa katatapos na Miss Universe. Napuna ng naging Miss Universe ding si Pia Wurztbach na sa unang post ng Miss Universe El Salvador sa top five sa social media ay kasali si Michelle, pero ewan kung bakit inalis iyon at nang lumabas na muli, napalitan siya ng Miss Thailand.
Sabi nga ng nagdududang si Pia, “mukhang may hindi tamang nangyari.” Mukhang nanakawan ang Pilipinas ng title. Ganoon din ang naging reaksiyon ng mga aktres na sina Rhian Ramos at Kylie Padillana nakahalata rin ng pagbabago. Maging ang isang award winning foreign journalist ay nagsabing mukhang may hindi tama sa nangyari.
Sabi pa niya sa kanyang comment, “the Philippines was robbed.”
Sa analysis ng mga eksperto, tama ang unang lumabas at ibig sabihin daw niyon si Michelle ang napili ng judges sa contest at kung sino ang nagpalit ng resulta ay hindi na natin alam. Nangyayari naman iyan sa mga contest, hindi ang desisyon ng judges ang nasusunod. Minsan may mas mataas pa na siyang nagbabago ng resulta para manalo ang gusto nila.
Natatandaan namin noon nakaupo kami sa labas ng isang studio ng telebisyon na ginaganap naman ang isang male personality contest na ang pipiliin ay lalaban din sa abroad. Tapos lumabas ang isang may kinalaman sa contest at kausap sa kanyang cellphone ang may-ari ng franchise. Palagay ang loob niyang malakas ang kanyang speaker ng cell phone, kaya dinig na dinig namin ang utos ng may hawak ng franchise na hindi dapat papanalunin ang isang candidate sa contest, kahit na malakas pa iyon sa audience.
Natalo nga ang candidate dahil iyon ang gusto ng franchise owner kahit na nagkakatinginan ang mga juror dahil alam nila na iyon ang nanalo, pero ayaw ng franchise holder eh. Kaya naniniwala kami na puwedeng nanakawan nga ng title si Michelle, pero huwag na tayong umangal, nariyan na iyan eh. Isipin na lang nating para rin iyang mga movie award na kung tawagin ay lutong Macao, natikman naman natin ngayon ang lutong Bangkok.