BAGSAK sa kulungan ang dalawang lalaki nang maaktohan ng mga pulis na pinaghahambing ang hawak nilang ilegal na droga sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan ang naarestong mga suspek na sina alyas Arturo, 49 anyos, construction worker, at alyas Kevin, 19 anyos, JNT Express sorter, kapwa residente sa Lot 4, 4th St., Brgy. Tañong ng nasabing lungsod.
Batay sa ulat ni P/SSgt. Jerry Basungit, habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 6 sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Major Patrick Alvarado sa 4th Street, Brgy. Tañong, dakong 10:00 pm nang makita nila ang mga suspek na abala sa paghahambing ng hawak nilang tig-isang transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana.
Nilapitan at inaresto ang dalawa ng mga pulis saka kinompiska ang hawak nilang tig-isang plastic sachet ng hinihinalang marijuana na nagkakahalaga ng P178.80 at isang transparent glass tube na may lamang sunog na dahon umano ng marijuana.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)