RATED R
ni Rommel Gonzales
BAGO ang Love Before Sunrise ay napanood si Dennis Trillo sa dalawang epic drama, ang Legal Wives at Maria Clara at Ibarra at sa fantasy series na Voltes V: Legacy.
Kumusta ang adjustment niya ngayong nagbalik siya sa romance/heavy drama genre?
“Medyo nakakapanibago dahil ‘yung ginampanan ko noon mga lumang tao, sobrang diretso, malinaw siyang magsalita, maayos ‘yung itsura niya, laging nakaayos ‘yung buhok niya.
“So rito naman mapapanood nila malayong-malayo naman, magulo ‘yung buhay niyong tao, ‘yung character ko, si Atom.
“‘Yung buhok niya magulo, ‘yung itsura niya, ‘yung buhay niya, and hindi siya ganoon kagaling dumiskarte sa buhay, so iyon ‘yung difference,” pahayag ni Dennis na kaka-renew muli ng kontrata bilang Kapuso sa loob ng 20 taon.
Kung si Dennis ang nasa katayuan ni Atom (na karakter niya sa Love Before Sunrise) at makikita muli ang dati niyang karelasyon at may muling mabubuhay na romansa, ano ang gagawin niya?
“Well, ako siguro unang tatanungin ko kung magkita man ulit, ‘di ba, matagal na magkasintahan, tapos mayroon na kaming kanya-kanyang mga personal na buhay, siguro tatanungin ko kung worth it pa ba kung iri-risk ko ‘to?
“Kung talagang mahal ko talaga siguro siya, kung iyon ‘yung magpapaligaya sa akin, baka try ko, pero kung hindi naman, kung magiging sakit lang siya sa ulo, hindi ko na lang gagawin, ‘di ba.”
Si Bea Alonzo (Stella) ang leading lady ni Dennis.
Mula sa GMA at VIU Philippines napapanood ito sa GMA Telebabad Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m. Ito ay idinirehe ni Mark Sicat Dela Cruz at associate director si Carlo Cannu.