REHAS ang hinihimas ngayon ngisangconstruction worker na wanted sa kaso ng panggagahas matapos maaresto ng pulisya sa isinagawang manhunt operation sa Navotas City, kahapon ng umaga.
Kinilala ni District Special Operation Unit (DSOU) chief P/Lt. Col. Robert Sales ang naarestong akusado, isang alyas JP, 33 anyos at residente sa Rizal.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Lt. Col. Sales, nakatanggap sila ng impormasyon na naispatan ang presensiya ng akusado sa Navotas City.
Sa pangunguna ni P/Lt. Armando Pandeagua, Jr., kaagad nagsagawa ang mga operatiba ng DSOU ng manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong 6:30 am, sa Road 10, Brgy. North Bay, Boulevard North, Navotas City.
Ayon kay Lt. Col. Sales, ang akusado ay pinosasan ng kanyang mga tauhan sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Arlyn B. Conception – Soresca ng Regional Trial Court FC Branch 143, Cainta, Rizal noong 11 Setyembre 2023, sa kasong Rape kaugnay ng Art. 266-B as amended by RA 8353 in rel. to Sec. 5 (A) of 8369 RPC; at dalawang kaso ng paglabag sa RA 7610 in rel. to RA 8369.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa NPD-CFU habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte. (ROMMEL SALES )