AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
EKSAKTONG isang linggo ngayon ang nakalilipas nang ideklara ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II ang gera laban sa mga kolorum o iyong mga public utility vehicles na ilegal na nag-o-operate.
Hindi lamang para sa LTO National Capital Regional Office ang pinaigting na kampanya kung hindi
para sa lahat ng regional directors ng ahensiya.
Kumusta na kaya ang kampanya ni Mendoza, may mga nahuli na kaya ang kanyang police force? Marahil mayroon na o marahil nasa mga lansangan pa rin sila at nanghuhuli.
Abangan na lang natin sa mga susunod na araw ang ulat ng LTO lalo na rito sa Metro Manila dahil dito ang may pinakamaraming kolorum.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng nakararami na hindi lamang si Mendoza ang nagdeklara ng gera laban sa mga kolorum kundi lahat nang umupong LTO chief.
Pero anong resulta, nasugpo ba o mas lalong nanganak? Obviously na hindi nasugpo dahil kung hindi ay wala sana itong direktiba ni Mendoza.
Bagaman, unfair sa mga nagdaang LTO Chief, sinikap nilang mabura ang kolorum pero talagang hindi maubos-ubos kahit na napakalaki na ng multa. Bakit kaya? Ano pa nga ba? Siyempre, dahil sa ilang tiwaling operatiba ng police force ng LTO. Ang buhay kasi ng panghuhuli o ikasusugpo ng kolorum ay nasa mga operatiba na nanghuhuli sa mga lansangan.
Kaya ang dapat sa kampanya ay dakpin din ang mga tiwali sa LTO. Iyon ang unang sugpuin at tiyak na mauubos na ang mga kolorum.
Ano pa man, bagamat wala pang ulat ang LTO kung ilan na ang kanilang nahuhuli simula nang ideklara ni Mendoza ang gera, huwag muna natin husgahan ang kanyang pamunuan. Malay natin baka sa kanyang administrasyon ay katapusan na ng mga kolorum. Sana nga! Abangan na lang natin…isang linggo pa lang naman ang nakalilipas. Kung baga, iba si Mendoza sa mga nagdaang LTO Chief.
Ang kampanya ni Mendoza ay alinsunod sa kautusan ni Department of Transportation (DoTR) Secretary Jaime Bautista upang tiyakin ang kaligtasan ng commuters at iba pang gumagamit ng lansangan.
“This has long been a problem that requires attention and sustained operations to ensure that only those granted with permits could operate. Buhay ng mga (mananakay) ang nakataya rito kaya dapat natin itong pagtuunan ng pansin as an agency in charge of land transportation safety,”giit ni Mendoza.
Sa kautusan ni Mendoza sa regional at district offices ng LTO, dapat masuyod at tuluyang masawata ang operasyon ng mga kolorum sa kanilang nasasakupan.
Nakabibilib nga si Mendoza dahil sa nakita niya ang negatibong epekto ng kolorum sa kita ng mga lehitimong tsuper at operator bukod sa pag-alala sa kaligtasan ng mga pasahero.
Sakop ng operasyon kontra kolorum ang mga terminal ng bus sa bansa gayondin ang mga school service na ilegal na nag-o-operate.
Nakipag-ugnayan na rin ang LTO sa iba pang ahensiya ng pamahalaan lalo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) gayondin sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Philippine National Police, sa pamamagitan ng kanilang Highway Patrol Group at iba pang yunit.
“We are taking the problem on colorum very seriously. That is why we will partner with other government agencies so that we can once and for all stop their illegal operations. Hindi basta-basta ang kalaban na ating susugpuin dahil sanga-sanga na ang kanilang operasyon kaya’t kailangan na natin ng tulong ng ibang ahensiya,” wika ni Mendoza.
Paano, inuulit natin ha… isang linggo pa lamang ang nakalilipas. Wait and see muna tayo…at ibahin natin si Mendoza sa mga nagdaang administrasyon. Seryoso ang mama.
Siyempre nananawagan din tayo sa publiko na gawin din natin ang ating bahagi para sa kampanyang ito.