RATED R
ni Rommel Gonzales
KUNG magkakaroon ng isang major concert si Dindo Fernandez, may nais siyang maging espesyal na panauhin, ang Superstar na si Nora Aunor.
“Si Ate Guy po, totoo po ‘yun! Alam niyo po kung bakit si Ate Guy? Ang nanay ko po 85 years old, pumipila kay Ate Guy at bumibili ng mga… sobrang Ate Guy po. Sobra po,” bulalas ni Dindo.
“Talagang ‘yung ‘Pearly Shells’ naririnig ko noong bata pa lang ako, Nora Aunor po talaga.”
Pinasikat ni Nora noong 1971 ang kantang Pearly Shells.
Dalawang awitin na isinulat ni Dindo, ang Akala Ko at Makinig Ka ay nai-release nitong 2022 sa Spotify, iTunes, Apple Music at iba pang music platforms.
Naging nominado siya sa Aliw Awards 2022 bilang Best Male Performance in a Concert at Best New Male Artist of the Year.
Tinaguriang The Soulful Balladeer, regular performer si Dindo sa EF Café & Restaurant sa National Road, Madonna Subd. sa Alangilan, Batangas City tuwing Sabado, 8:00 p.m..
Kung gagawan ni Dindo ng kanta ang buhay niya, ano ang magiging titulo o pamagat?
“Siguro gagayahin ko ‘yung title ng song na ‘Tagumpay Nating Lahat,’ kasi sa lahat ng mga ginagawa ko, I must say siguro nagagawan ko rin ng paraan para mapagtagumpayan lahat ng mga ginagawa ko sa buhay ko, so ‘Tagumpay Nating Lahat.’”