HARD TALK
ni Pilar Mateo
PINAKAMAHIRAP talagang bigyan o alayan ng regalo ang taong masasabi mong nasa kanya na ang lahat.
Ito ang nasambit ng dating modelo na naging negosyante na, producer rolled into one na si Marc Cubales para sa kabiyak ng puso niyang si Joyce Peñas Pilarsky sa birthday celebration nito sa The New Music Box kamakailan.
Naikuwento nga ni Marc kung paanong kahit na ang laki na ng bahay nila, bawat sulok ay makikita ang sangkaterbang pares ng sapatos ni Joyce na karamihan nga ay hindi pa nagagamit.
“Minsan, dalawang pares ang binibili. Kasi magkaiba lang ang takong. O kaya lahat ng kulay. Minsan, talagang kailangan ng magbawas kaya ‘yung iba, naipapagamit at naibibigay na sa models niya.”
Para kay Marc, si Joyce na ang kanyang superwoman. Dahil kayang-kaya nitong gawin ang lahat ng gustong pasukin. Ang dating flight attendant o stewardess ay naipamalas ang kahusayan sa pagdi-disenyo at pananahi ng damit, saya at iba pa. Nagpipinta. Kumakanta. Umaarte. Nagpo-produce. At pumapasok sa sari-saring investment.
Kaya nga sa panahong nabibiktima ng panloloko si Joyce, si Marc ang talagang hindi mapakali at nanggagalaiti sa mga umaabuso kay Joyce.
Kaya isang pagkaliit-liit pero mamahaling bag ang naisip na iregalo ni Marc sa asawa.
“Para mga bag naman ang kolektahin niya. Ano pa ba ang ibibigay ko sa babaeng ibinibigay din sa amin ng anak namin ang lahat-lahat. I couldn’t ask for more. Siya na lahat ‘yun for me. My best friend. My partner. The mother of our kid. Advicer. Wala na akong mahihiling pa. And I am thankful na siya ang ibinigay sa akin ng Panginoon.”
At kung ang birthday wish naman niya ang itatanong mo kay Joyce, off-mic tinuran nito ang mga katagang, “Sana, magbayad na ang may utang!”
And your guess is as good as ours.
Hindi rin nakalimutan ni Marc na sabihing may kinalaman ka, my dear editor sa paglagay nila sa tahimik.
Ninang?