HARD TALK
ni Pilar Mateo
KARGADO ang Best Supporting Actres nominee (for My Father, Myself) noong nakaraang Metro Manila Film Festival (MMFF) na si Tiffany Grey.
Kargado ng balde-baldeng emosyon nang sumalang sa mediacon para sa Punit Na Langolit ng Vivamax(streaming sa September 8, 2023) na first directorial job ng nagtapos sa US sa kursong filmmaking na si Rodante Pajemna, Jr..
Kahit pilit na pinipigilan ni Tiffany ang sarili na huwag bumigay sa emosyong kimkim sa kanyang dibdib, naiyak pa ito sa ilang bahagi ng interbyu. Lalo pa at naikompara ang sarili sa ginampanang karakter ni Claudia sa pelikula.
Pakiwari ni Tiffany, nag-iisa lang siya na sumasambot sa lahat ng mga hamon ng buhay. At kahit nga kaibigang mapagsasabihan ng kanyang saloobin eh, wala siyang mahanap.
Malayo sa kanya ang pamilya. At ito ang pinangarap ng Cebuana para sa buhay niya. Ang maging isang ganap na aktres.
Pinsan niya sa pelikula si Apple Dy bilang si Dyosa. At ang istorya nila ay tungkol sa mga pangarap na binubuo at ang paraan kung paano ito matatagpuan. Sa isang baryo na ang dumadalaw na aliw eh, sa pamamagitan ng pagdalaw ng karnabal o perya sa bayan.
Ang pagkamulat din sa kamunduhan at ikot nito sa buhay nila at kung paanong napunit ang mga sinimulan nila.
At kahit naman sumabog ang dibdib ni Tiffany sa mga sama ng loob niya, isang anghel ang dumating sa buhay niya kung ilang buwan pa ang ang nakararaan.
Ipinakilala sa amin ni Tiffany si Errol Alegre. Tubong Guam. Pero rito nananahan ngayon. At nagnenegosyo. Nakita naman namin ang pag-aalaga nito kay Tiffany.
At nagbitiw pa ng salita nang bilinan ko na alagaan ang dalaga.
“I promise! We’ll take care of each other!”
Promesa ng papasang Viva artist na kahit may lamlam ang buhay niya ay nakapagbibigay pa rin ng saya kay Tiffany.
To ease out the grey matters in her life!