RATED R
ni Rommel Gonzales
SPEAKING of Voltes V: Legacy, apat na buwang umere sa GMA ang live action sci-fi series na naging consistent top-rater gabi-gabi, Lunes hanggang Biyernes.
Bida rito ang limang bumubuo sa Voltes team; sina Miguel Tanfelix bilang Steve Armstrong, Ysabel Ortegabilang Jamie Robinson, Radson Flores bilang Mark Gordon, Matt Lozano bilang Big Bert Armstrong, at Raphael Landicho bilang Little Jon Armstrong.
Tinanong namin si Miguel kung ano ang hindi niya malilimutang eksena na ginawa niya sa kabuuan ng serye.
“Actually ang dami talagang mga eksenang hindi malilimutan,” umpisang sabi ni Miguel.
“Pero para sa akin ‘yung death of Mary Ann ang pinaka hindi ko po malilimutan!”
Si Mary Ann Armstrong, na ginampanan ni Carla Abellana, ay ang ina ng Armstrong brothers na sina Steve, Big Bert, at Little Jon.
“Dahil first time ko pong gawin ‘yun na mamamatay ‘yung kaeksena ko pero hindi ko siya kaeksena.
“Na puro green lang ‘yung nakikita ko, ang hirap niyang i-visualize, i-imagine habang nasa eksena na ‘yun. Pero buti na lang, ‘yung ginagawa po kasi namin sa set ibinabato ng kaeksena mo sa gilid, kahit hindi sila kita sa kamera, ‘yung lines nila.
“So for me ‘yun nga, ‘yung death of Mary Ann dahil unang-una mahirap siyang gawin hindi lang dahil sa green screen ang nakikita ko pero for direk din dahil isang taon ang pagitan ng eksena na ‘yun.
“Shinoot ‘yung sa akin tapos after a year at saka si Ate Carla isu-shoot, so mahirap ‘yung continuity niyon for direk. And favorite ko rin siya dahil isa ‘yun sa pivotal moments ng show.
“Iyon ‘yung isa sa mga scene na magde-define kung sino talaga ang Armstrong brothers. So iyon.
“At saka sobrang sakit niyon noong ginagawa namin siya dahil sacrifice eh, nag-sacrifice ‘yung nanay mo para sa buhay mo.”
Sa naturang eksena, tulad ng napanood ng publiko, ay tila matatalo ng beast fighter ng mga Boazanian ang robot na si Voltes V kaya minabuti ni Mary Ann na magpalipad ng jet at ibangga ito sa beast fighter habang sakay siya, sanhi ng pagkamatay niya para lamang mailigtas ang Voltes team, lalo na ang kanyang tatlong anak na sina Steve, Big Bert, at Little Jon.
“Ang bigat, ang bigat niyon sa puso habang ginagawa siya. Kitang-kita naman nagmo-moist ‘yung visor namin habang ginagawa namin dahil totoong emosyon talaga ‘yung nandoon sa eksenang ‘yun,” kuwento pa ni Miguel.