SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
NAPAKA-BONGGA naman ng kauna-unahang film festival ng Puregold, ang Cine Panalo Film Festival na may temang Kwentong Panalo ng Buhay na magaganap sa Marso 2024. Itinuturing na pinakamalaking production grant ang CinePanalo Filmfest na limang baguhan at propesyonal na direktor ang makatatanggap ng tig-P2,500,000 at 25 estudyanteng filmmaker naman ang makatatanggap ng tig-P100,000.
Maaari nang magsumite ng entries ang mga gustong makiisa sa CinePanalo sa [email protected]. Kailangan lamang na ito’y original, wholesome, inspiring, at family oriented films at pasok sa Kwentong Panalo ng Buhay ang tema.
“Nais naming mabigyan ng pag-asa ng CinePanalo ang mga bata at talentadong filmmaker na naghihintay lamang ng kanilang break. Hangad namin na ang tulong-pinansiyal at ang exposure na makukuha nila mula rito ay magbibigay sa kanila ng pagkakataon para abutin pa ang kanilang mga pangarap,” pagbabahagi ni Vincent Co, Presidente ng Puregold Price Club Inc., ukol sa mga kapana-panabik na oportunidad na naghihintay sa mga lalahok.
Naghahanap ang CinePanalo Film Festival ng Puregold ng mga kuwentong nakaaantig ng puso, alinsunod sa opisyal na tema nito. Susuportahan ng festival na ito ang mga likha na nagtatampok ng mga pagpapahalaga sa pagmamahal, pamilya, at pag-asa.
Sabi nga ni Chris Cahilig, festival director,“Gusto naming mag-iwan ng ligaya sa mga makapapasok na entry–pakiramdam na naibibigay lamang ng mahusay na mga pelikula. Nasasabik na kaming makita ang mga magagandang kuwentong ibabahagi ng mga lokal na direktor sa publiko.”
Piling-pili lamang ang makatatanggap ng mga grant na mga aplikante na makukuha ang layunin ng CinePanalo. Limang baguhan at propesyonal na direktor ang makatatanggap ng tig-P2,500,000 upang lumikha ng pelikula para sa festival. Dalawampu’t limang estudyanteng filmmaker naman ang makatatanggap ng tig-P100,000 para sa paglikha ng maiigsing pelikula o short film.
Ipalalabas ang mga nakompletong pelikula sa isang festival na itatanghal ng tatlong araw sa Gateway Cinemas mula Marso 8-10, 2024. Ipo-post naman ang short films sa opisyal na mga page ng Puregold sa social media, at sa Puregold Channel sa YouTube. Itatampok ang mga ito kasama ng mga sikat naretailtainment serye ng Puregold, gaya ng GV Boys, Ang Babae sa Likod ng Face Mask, at Ang Lalaki sa Likod ng Profile.
“Kailangan ng mga tao ng mga pelikula na makabuluhan sa buong pamilya,” giit ni Cahilig. “Sa panahong bayolenteng paksa o makamundong pagnanasa ang laman ng mga pelikulang aksesibol sa mas maraming mga tao, magpopokus ang CinePanalo Film Festival sa mga kuwentong may puso at may pag-asa.”
Sinabi pa ng pamunuan ng CinePanalo na susuriing mabuti ng mga miyembro ng selection committee ang mga entry upang makahanap ng mahuhusay na mga direktor na makapapasok sa lineup ng festival sa Marso.
Para sa mga interesadong aplikante, mag-email lamang sa [email protected] upang makatanggap ng mga materyal na kinakailangan para mag-apply. Lahat ng aplikasyon ay dapat maipadala bago ang Oktubre 27, 2023. Isasapubliko ang shortlist ng mga napiling direktor sa Nobyembre 6, 2023.
At dahil endorser ng Puregold ang TVJ, natanong kung may posibilidad bang magbida sina Tito at Vic Sotto at Joey de Leon sa ilang entries na mapipili?
Sagot ni Chris, dedepende iyon sa istorya at availability ng TVJ.
Bongga talaga ang Puregold. Saludo kami sa suportang ibinibigay nila sa movie/entertainment industry.