INILUNSAD ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang Responsableng Panonood (RP) kamakailan sa Trinoma Mall, Quezon City, bilang
alinsunod sa layunin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na itaguyod ang media and information literacy sa bansa.
Sa talumpati ni MTRCB Chairperson Lala Sotto-Antonio, ang RP Campaign ay tugon ng Board sa patuloy na pagbabago at pag-unlad ng media landscape. Hinikayat niya ang bawat Filipino na isabuhay ang responsableng panonood at responsableng pag-Klik.
Binigyang-diin din ni Chair Lala ang kritikal na papel ng pamilya, lalo na ng mga magulang, sa paghubog ng pagkatao ng batang Filipino.
“Nais naming bigyang-pansin ang kahalagahan ng paghubog sa karakter ng ating kabataan,” ani Sotto-Antonio. “Naniniwala kami na ang mabuting asal ay nagsisimula sa ating mga tahanan. Kinikilala natin na ang pamilya ay pundasyon ng ating lipunan at ugat ng ugaling nagpapayaman sa magandang kinabukasan.”
Sinabi rin ni MTRCB Vice Chairperson Njel De Mesa na sa ilalim ng RP campaign ay may mga iba’t ibang aktibidades para sa mga miyembro ng pamilyang Filipino para magabayan nila ang mga batang manonood sa pagpili ng mga makabuluhang pelikula.
Nagpasalamat din si De Mesa sa mga indibidwal at organisasyon na tumulong sa matagumpay na paglulunsad ng kampanya.
Sa kanyang keynote address, binanggit ni Dr. Lillian “Ali” Gui, isang rehistradong sikolohista, child psychotherapist at MTRCB Board Member, ang mahalagang tungkulin ng mga magulang sa paggabay sa mga bata sa panahon ng digital.
“Huwag nating hayaan ang ating mga anak na maging alipin ng cellphone,” sambit ni Gui. “Nasa kamay natin bilang mga magulang ang paghubog sa kinabukasan ng ating mga anak. Hindi sa kamay ng cellphone.”
Dumalo sa okasyon ang ilang key government at non-government institutions gaya ng Department of Education – Schools Division Office Quezon City, National Council for Children’s Television (NCCT), Ayala Malls, Quezon City Federation of Parents and Teachers Association (QCFPTA), at ng mga international partners tulad ng Asia Video Industry Association (AVIA), Netflix at Warner Bros.
Nagkaroon din ng talakayan ang ilang sektor ng lipunan tungkol sa parenting at mediatechnology. Si Board Member Atty. Gabriela “Gaby” Concepcion ang naging tagapangulo sa panel na kinabilangan nina Dr. Gui, Dr. Arlene Escalante-Eluwa, at dating MTRCB Board MembersTeresita “Tessie” Villarama at Bobby Andrews.
Tampok din sa programa ang opisyal na pagpapakilala sa mga RP Parent Advocates na binubuo ng mga influencer, artista, at mga politiko. Ang mga Parent Advocates ay sina Ciara Sotto, Konsehal ng Quezon City na si Candy Medina, Konsehal ng Pasig na si Angelu de Leon, Joy Sotto, Rosselle Taberna, Jennifer Go, at Tessa Mauricio-Arriola.
Opisyal ding ipinakilala si Klik, ang mascot ng MTRCB. Sinabayan ito ng pag-awit ng jingle na Iklik Mo Yan na kinanta ni De Mesa at umani ng standing ovation. Ang jingle ay isinulat at nilapatan ng musika nina Board MembersRichard Reynoso, Neal Del Rosario, at De Mesa.