RATED R
ni Rommel Gonzales
MASAYA si Christian Vasquez sa napakataas na rating ng Voltes V: Legacy.
“Nakatutuwa kasi iyon ‘yung result ng group effort niyo eh, ‘yung ratings. So nakatutuwa, sobrang nakatutuwa,” pahayag sa amin ni Christian.
Bongga ang career ni Christian dahil kasalukuyan siyang napapanood ng sabay sa dalawang teleserye, sa Voltes V: Legacy ng GMA-7 at sa The Iron Heart ng ABS-CBN.
Gumaganap si Christian sa Voltes V: Legacy bilang Boazanian na si Zambojil at sa The Iron Heart naman bilang si Orcus. Ipinagpapasalamat din ni Christian na hindi magkatapat na umeere ang dalawang serye.
Ano kaya ang naging reaksiyon niya kung nagkatapat ang dalawa niyang proyekto?
“Wala siguro akong magagawa,” ang natatawang sagot ni Christian, “kasi noong nag-shoot kami hindi ko alam kung anong time [slot] iyon eh, wala, hindi ko naman tinanong.”
Pareho ng kapalaran sina Christian at Epy Quizon. Si Epy ay napapanood din sa Voltes V: Legacy bilang Boazanian ring si Zuhl at nasa cast din ng Dirty Linen bilang si Ador na kasalukuyang umeere sa ABS-CBN.
“Alam niyo naiisip ko rin iyan, paano kunwari ‘pag nagkaroon ka ng show na magkatapat? Parang, for me ha, parang… okay ‘yun, eh.
“For me, okay ‘yun. Iyon lang, siyempre sa production hindi okay siguro iyon,” sinabi pa ni Christian na mina-manage ni June Rufino.
Gaganap bilang si dating Sen Manny Villar si Christian sa bagong pelikulang Kuya: The Governor Edwin Jubahib Story na isang biopic feature film na pagbibidahan ng award-winning actor na si Richard Quan at tungkol sa buhay ni Gov Edwin Jubahib ng Davao Del Norte at sa direksiyon ni Francis “Jun”Posadas.