KINOMPIRMA ng Department of Foreign Affairs (DFA) na pahirapan ngayon ang paghahanap ng available flights para masakyan ng mga pauwing Filipino sa bansa.
Aminado ang DFA, hirap sila ngayon sa isinagawang repatriation operation sa mga kababayan na naiipit sa kaguluhan sa Sudan.
Ayon kay DFA Assistant Secretary Paul Cortes, punuan ngayon ang mga eroplano sa Saudi Arabia dahil natapat sa sabay sabay na pag-uwi ng libo-libong mga pilgrims mula sa Jeddah.
Sinabi ni Cortes, sa ngayon ay mayroong 30 Pinoy na stranded sa Port of Sudan at ginagawan pa ng paraan para makapasok sa Saudi Arabia o kaya’y sa Qatar at ang siyam sa kanila ay mga bata.
Ani Cortes, malaking hamon sa kanila ang pagkuha ng entry visa sa Quatar dahil walang passport ang mga naturang stranded na Pinoy dahil naiwan nila ang kanilang mga pasaporte sa pagmamadaling makalabas sa Sudan.
Tiniyak ng ahensiya na inaayos na ng Philippine Embassy sa Cairo ang mga dokumento ng mga Pinoy para mapabilis ang kanilang pag-uwi sa Filipinas.
Nauna nang hinikayat ng DFA ang mga kababayan na madaliin ang paglikas sa Sudan dahil sa nagaganap na kaguluhan. (GINA GARCIA)