HINDI pa man nagtatagal sa loob ng detention facility, muling dinakip ng mga awtoridad ang 48-anyos lalaki matapos matuklasang wanted sa kasong panggagahasa at panghihipo sa Valenzuela City.
Isinilbi ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section sa pangunguna ni P/Lt. Ronald Bautista ang warrant of arrest laban kay Alfredo Bacaro, Jr., residente sa Sulok St., Brgy. Ugong, habang nakadetine sa loob ng Custodial Facility Unit ng Valenzuela City Police Station matapos maaresto sa hindi nabanggit na kaso.
Sa ulat na nakarating kay Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura, Jr., kabilang si Bacaro sa listahan ng mga most wanted person (MWPs) sa lungsod ng Valenzuela na nahaharap sa tatlong bilang na kasong panggagahasa at paglabag sa Article 336 ng Revised Penal Code o ang Acts of Lasciviousness, pati na ang Lascivious Conduct sa ilalim ng RA 7610 o ang Special Protection Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination.
Batay sa ulat ni Lt. Bautista, ang isinilbi nilang warrant of arrest laban kay Bacaro ay inilabas ni Presiding Judge Evangeline S. Mendoza-Francisco ng Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Branch 270 nito lamang 29 Hunyo 2023.
Pinuri ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogelio “Pojie” Peñones, Jr., sa matiyagang pagtugis ng mga tauhan ni Col. Destura sa mga taong may kinakaharap na mabibigat na kaso sa hukuman, kasabay ng pahayag na hindi titigil ang buong puwersa ng NPD sa pagdakip sa mga taong wanted sa batas. (ROMMEL SALES)