KALABOSO ang isang delivery rider, nakatala bilang No. 6 most wanted person (MWP) ng Northern Police District (NPD) matapos maaresto sa isinagawang manhunt operation ng pulisya sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Caloocan City police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang suspek na si Kenneth Solomon, 22 anyos, residente sa Don Benito St., Brgy. 21 ng nasabing lungsod.
Sa kanyang ulat kay NPD Director P/BGen. Ponce Rogelio Peñones, Jr., sinabi ni Col. Lacuesta, matapos ang continuous operational research and intelligence-driven operations, nagsagawa ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Caloocan police sa pangunguna ni P/Major Jeraldson Rivera ng manhunt operation vs. wanted persons.
Natimbog ng mga operatiba ng WSS sa naturang operation ang akusado dakong 11:20 pm sa IDMS-CFU sa PNR Compound, Samson Road, Brgy. 80 ng nasabing lungsod.
Batay sa ulat ni Major Rivera, ang akusado ay sinilbihan nila ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) Branch 128, Caloocan City noong 10 Mayo 2023, sa kasong Rape. (ROMMEL SALES)