AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
MAYROON pa palang mga bugok na kawani sa Quezon City Hall. Mayroon, kaya lang hindi sila nagtatagumpay dahil mahigpit ang kampanya ni QC Mayor Joy Belmonte laban sa mga corrupt na kawani o empleyado saanmang departamento sa city hall.
Nabatid na may mga nalalabi pang bugok na kawani sa City Hall makaraang maglabas muli ng babala si Mayor Joy na hindi niya sasantohin ang sino mang kawani o opisyal na gagawa ng katarantadohan sa pagpapatupad ng tungkulin na may kinalaman sa pagbibigay serbisyo sa mamamayan ng lungsod o sa “QCitizens.”
Partikular na katarantadohang ginagawa ng mga tiwali ay ang paghingi ng ‘lagay’ o suhol sa mga QCitizens na may transaksiyon sa City Hall.
Bagamat, hindi lang ngayon ang pagbibigay babala ni Mayor Joy kung hindi noon pa man – unang pag-upo pa lang niya bilang alkalde ay nagdeklara na siya ng gera laban sa mga tawali sa City Hall.
“Hindi natin palalampasin ang mga ganitong klaseng pang-aabuso at pagmamalabis sa ating mga QCitizen lalo kung sangkot mismo ang ating mga kawani sa pamahalaan. Here in QC, we will never condone the ‘palakasan’ system. No one should dangle money or gifts in exchange for special favors or a shortcut to our processes. We have embraced digitalization so that everything is done expeditiously, eliminating red tape,” babala ni Mayor Joy.
E bakit nga muling nagbabala ang alkalde? Bakit? Hayun, may dalawang kawani sa City Hall ang kinalawit ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) dahil sa pangingikil sa isang kliyente ng QC government.
Kamakailan, dalawang tauhan ng QC Treasurer’s Office ang inaresto ng QCPD sa entrapment operation dahil sa pangingikil sa isang QCitizen na may inaasikasong dokumento sa nasabing dibisyon. Kinikilan ang kliyente kapalit ng mabilis na pagproseso ng kanilang mga dokumento.
Abril 18, 2023, isang kliyente ng City Treasurer’s Office (CTO) ang nag-apply ng Certificate of Retirement of Business. Sa assessment ng mga suspek, isang Revenue Examiner at isang Administrative Aide para sa requirements ng kliyente siya ay pinagbabayad ng P77,632 para sa tax due bago ang retirement.
Heto ngayon ang nangyari, naging malikot ang isipan ng dalawang kawani – “pera na ito” – iyon marahil ang nasa isip nila. Kaya habang ipinoproseso ang certificate ng kliyente, ang mga suspek umano ay humingi ng P50,000 para mapabilis ang paglabas ng dokumento sa kondisyon na ang “discounted rate” ay hindi bibigyan ng official receipt.
Aba’y kapag nagkataon, lugi ang pamahalaang lungsod nito ha. E hayun, matino ang kliyente, ayaw niya ng maruming laro at malamang ay may takot siya sa Diyos.
Kaya, humingi si ‘Juan Dela Cruz’ ng tulong sa QCPD laban sa dalawang kawani ng CTO. Hehehehe… kumagat sa ikinasang entrapment ang dalawa kaya, huli at sa kulungan ang bagsak nila. Buti nga sa inyo.
Siyempre, kinasuhan ang dalawa sa paglabag sa Republic Act 9485 o Anti-Red Tape Act of 2007 sa QC Prosecutor’s Office.
Ayon kay QCPD Director, P/Brig. Gen. Nicolas Torre III, ang agarang pag-aksiyon ng kanyang mga tauhan hinggil sa reklamo ng kliyente ng QC government ay katugunan sa kampanya ni Mayor Joy kaugnay sa malinis na pamahalaan sa pamamagitan ng pagwalis sa mga tiwali saanmang departamento ng City Hall.
“Pinapaalalahanan po natin ang publiko na mag-ingat at huwag makipagtransaksiyon sa mga indibidwal na hihingan kayo ng ‘lagay’ kapalit ng pagpoproseso ng inyong mga dokumento. I-report agad sa pulisya o kaya ay tumawag sa Hotline 122 upang mabigyan ng agarang aksiyon,” pahayag ni Torre III.
Sa kabilang dako, binalaan ni Mayor Joy ang mga kliyente ng City Government na manunuhol sa mga kawani, na maging sila ay may paglalagyan – aarestohin at kakasuhan.
“Here in QC, we will never condone the ‘palakasan’ system. No one should dangle money or gifts in exchange for special favors or a shortcut to our processes. We have embraced digitalization so that everything is done expeditiously, eliminating red tape,” babala ni Mayor Joy.