SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
KITA ang chemistry kina Yassi Pressman at Ruru Madrid hindi dahil sa nasabi ng aktor na crush niya ang aktres noon kundi maganda at gwapo sila, malakas ang dating at kinakikiligan.
Unang magtatambal sa pelikula sina Yassi at Ruru sa collab ng Viva Films at GMA Pictures, ang Video City na ididirehe ni Rayniel Brizuela.
Isang romcom movie ang Video City na inspired ng video rental shop ng Viva Entertainment noong dekada 90. Dito nagre-rent noon ng mga Betamax, VCD, DVD na tiyak kung batang 90’s ka makare-relate ka.
Iikot ang kuwento ng pelikula sa isang aspiring filmmaker na babalik sa panahon ng kasikatan ng nasabing video rental store at mai-in love sa isang aspiring actress.
Kapwa inamin nina Ruru at Yassi na naabutan nila ang Video City at na-experience nila ang mag-rent ng VCD.
Pagbabahagi nga ni Ruru, sa Video City niya nare-rent ang mga pelikula ni Robin Padilla na idol na idol niya samantalang si Yassi naman ay mga drama movie tulad ng Saan Nagtatago ang Pag-ibig? nina Vilma Santos at Tonton Gutierrez.
Paborito ni Ruru ang mga pelikula ni Robin tulad ng Maging Sino Ka Man at Baby Ama na sinabi nitong gusto niyang i-remake kung may pagkakataon.
“Favorite ko rin po ‘yon. Lahat po ng Robin Padilla movies sobrang ilang beses ko pong pinanonood,” anito sa isinagawang story conference sa Botejyu Estancia.
Ngayong nakagagawa na ng pelikula si Ruru sa Viva hindi imposibleng i-remake niya ang mga pelikulang ginawa noon ni Robin. At para sa amin, pwedeng-pwede naman dahil may dating na siga (na mabait) din naman ito.
Sinabi pa ni Ruru na naibahagi niya kay Kylie Padilla, anak ni Robin na paborito niya ito at fan siya noon pa man.
“Pero the first time na nakita ko po si Robin Padilla, si Sen. Robin Padilla, eh talagang hindi po ako nakagalaw sa kinatatayuan ko.
“Natulala ako parang ‘yung pakiramdam na kahit tao siya, pakiramdam ko hindi siya tao. Ganoon ako na-starstruck sa kanya,” natatawang kuwento ni Ruru.
Ibinuking din nitong naging crush niya si Yassi na una niyang nakatrabaho sa GMA.
“Ang totoo, crush ko talaga si Yassi. Siya ang una kong crush sa GMA. Pero hindi niya alam, ngayon lang niya nalaman,” natatawang pagbabahagi ni Ruru.
Simpleng thank you lang naman ang naisagot ni Yassi nang hingan siya ng reaksiyon ukol sa pagtatapat ng aktor.
Ani Ruru, natutuwa siya na makatrabaho si Yassi na 10 years ago pa noong una silang nagkita sa GMA.
“Exciting ito kasi matagal ko nang gustong makatrabaho si Yassi. Matagal na kami magkakilala at sa totoo lang crush ko siya dati so, nakatutuwa na makakatrabaho ko siya sa pelikulang ito.”
Natuwa rin naman si Yassi sa pelikulang gagawin nila ni Ruru. Aniya, “I like the idea. Gusto ko ‘yung tema ng story na may romance at may time travel aspect. I’m happy na si Ruru ang partner ko rito. I’ve seen how he works and I’m sure it’ll be fun working on this film.”
Bukod kina Ruru at Yassi kasama rin sa Video City sina TJ Valderama, Chad Kinis, Suzette Ranillo, Soliman Cruz, Anjo Yllana, Bodjie Pascua, Yvette Sanchez.