RATED R
ni Rommel Gonzales
MILESTONE sa career ni Jeremiah Tiangco bilang singer ang una niyang major concert sa Sabado, April 15 na gaganapin sa Music Museum, ang Dare To Be Different na guests niya sina Christian Bautista, Jessica Villarubin, Garrett Bolden, Vilmark Viray, Mariane Osabel, This Band, The Viktor Project, Rob Deniel, Magnus Haven, at Ken Chan.
Si Jeremiah ang direktor ng kanyang sariling concert katuwang si Lee Junio Gasid.
Ano ang pakiramdam niya na sa dami nila sa Sparkle ay isa siya sa nabigyan ng importansiya tulad nga ng pagkakaroon ng major concert?
“Thankful lang ako dahil hindi ko alam na aabot kami sa ganito.
“Na mapu-pursue po talaga ‘yung plan. Kasi unang-una isa po ‘to sa mahirap eh, ‘yung i-execute ‘yung plan. Madaling magplano pero ‘yung i-execute ‘yung plan isa po ‘yun sa pinakamahirap.
“Kaya thankful po ako sa production, sa team ko, sa direktor ko kay Kuya Lee, at the same time sa Panginoon dahil siya po ang nagpo-provide lahat ng needs namin ng team,” sinabi ni Jeremiah.
Sa poster ng concert ni Jeremiah ay tila huma-Harry Styles ang kanyang outfit, flamboyant at out-of-this-world na maituturing ang karamihan sa isinusuot ng international concert performer at dating One Direction member sa kanyang shows sa iba-ibang bansa.
Sa concert ba ni Jeremiah ay sexy at medyo kakaiba rin ang kanyang mga isusuot?
“Siguro po medyo kakaiba, medyo mas more on R&B-type, parang mga street wear po, eh. Medyo ganoon po ‘yung style ng damit.
“So like kunwari sa coat, hindi lang siya basta coat, oversized, more colors, tapos… basta! Sobra-sobrang karakter kumbaga itong mga ginawa ng ating mga stylist.”
May mga outfit ba siyang kita ang kanyang…
“Skin,” ang pagsalo ni Jeremiah sa aming sasabihin. “Wala naman akong abs eh,” at tumawa ang Sparkle singer. “Pero skin yes, mayroon.”