RATED R
ni Rommel Gonzales
MAY mabuting puso ang motorcycle delivery service na naghatid ng cellphone ng AraBella actress na si Camille Prats sa police station.
Nawala sa bag ni Camille ang telepono niya bago pa man magsimula ang concert ng K-pop group na Blackpink sa Philippine Arena noong Linggo.
Sa Instagram Stories, sinabi ng Kapuso actress na kaagad niyang tinawagan ang kanyang mister na si John “VJ” Yambao para burahin ang mga nasa data nito at markahan na nawawala ang kanyang phone gamit ang kanyang laptop.
Sinabi rin ng aktres na may tracker ang kanyang cellphone kaya puwede nilang subaybayan kung saan ito dadalhin. Nang gabing iyon, nakita nila na nasa arena pa ang cellphone.
Noong March 27, natukoy nila sa tulong ng tracker kung nasaang bahay na ang cellphone. Nagpatulong sila sa mga pulis at homeowner’s association ng subdibisyon.
Pero iginiit umano ng mga nakatira sa bahay na wala sa kanilang nagpunta sa concert.
Kaya naman sinuri ng mga pulis ang CCTV camera sa subdibisyon para alamin kung sino ang dumating sa oras na sinasabing ipinasok sa lugar ang cellphone.
Inihayag din ng aktres na dumating sila sa punto na nais na nilang itigil ang paghahanap sa cellphone dahil sa pabago-bago ng lugar na itinuturo ng tracker.
Hanggang dakong 4:00 p.m., tumigil ang tracker ng phone sa police station.
Nakompirma nila kalaunan na may motorcycle delivery service na naghatid doon ng cellphone.
Ayon kay Camille, naiyak sila ni VJ, nagkaroon siya ng mga realization sa kanyang naging karanasan.
“Don’t be scared to ask for help,” sabi ng aktres sa IG Stories.
“God knows our hearts and we really wanted to deal with this as peacefully as we can. No harsh words, no accusations. Never ending pakiusap lang talaga,” ayon kay Camille.
“Who would’ve thought na babalik ‘yung phone not by force from the person who has it but by him simply sending it to a police station to return it. Only God can make that happen,” dagdag pa niya.