SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
INAMIN ni Ms Vilma Santos na excited siya sa pagbabalik-pelikula. Tatlong pelikula ang gagawin niya this year. Una na ang pagsasamahan nila ni Christopher de Leon, sunod ang ididirehe ni Erik Matti at iyong ipo-prodyus ng Star Cinema.
Humarap si Ate Vi kahapon sa entertainment press nang ilunsad siya bilang endorser ng Angkas na naglalayong mabigyan ang maraming individwal ng trabaho at mapaunlad ang motorcycle taxi industry sa ating bansa.
“I’ll be doing a movie with Boyet, Christopher de Leon. We will shoot in Japan. We’re leaving anytime March,”masayang pagbabahagi ni Ate Vi.
“And then, I’m excited also to do a movie with Erik Matti. Kasi tapos na ‘yung script.
“So we will try finalize the script ng movie ko naman with Erik Matti on March 13.
“So, far ito ‘yung mga nakalinya. And then, looking forward din ako ng isang movie with Star Cinema.”
May working title na I’m So In Love With You o True Love in Kyoto ang pelikulang pagsasamahan nina Ms Vilma at Boyet.
Samantala, natutuwa rin ang Star for All Seasons sa bagong project niyang ito sa Angkas.
Aniya bilang dating public servant looking forward siya sa project na ito na makatutulong itaas at suportahan ang motorcycle taxi industry ng bansa.
“Maganda ang project na ito kasi gusto ko talagang suportahan ang mga organisasyon na nagbibigay ng oportunidad sa marami. They are helping our commuters beat traffic. Mabilis na, safe pa, ‘di ba? Pero higit sa lahat, gusto ko ‘yung nakatutulong silang magbigay ng libo-libong trabaho sa ating mga kababayan. Grabe, 30,000 na motorcycles na pala ang nabigyan ng trabaho”, ani Ate Vi sa isinagawang media conference sa Makati.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na tumutulong makahanap at makapagbigay ng trabaho si Ate Vi. Noong 18th Congress na nanunungkulan pa siya bilang Representative ng 6th District ng Batangas, siya ang namumuno sa Committees on Poverty Alleviation and Labor and Employment na tinututukan nila ang unemployment at poverty.
iginiit din ni Ate Vi na nakatutulong din ang Angkas para mabilis makauwi ang mga indibidwal na galing sa trabaho para makasama agad ang kani-kanilang pamilya at makatitipid sa pamasahe dahil mas mura ang mga motorcycle taxi kaysa mga four wheels. “Masaya talaga ako sa project na ito. Alam kong malaki ang maitutulong nito para iangat ang sektor ng motorcycle taxis sa ating bansa”, sambit pa ni Ate Vi.
Nang matanong din si Ate Vi kung magiging kapartner din ang Angkas sa gagawin niyang pelikula, sinabi nitong, “Kailangan niyo po abangan. Ang masasabi ko lang po sa ngayon, marami po ang matutuwa at matutulungan ng bagong project na ito.”
Malaki naman ang pasasalamat ni Mr. George Royeca, Angkas Co-Founder at CEO kay Ate Vi dahil sa patuloy na pagsuporta nito para makabuo ng trabaho at pagkakakitaan. “It is amazing that Ms. Vilma Santos-Recto and Angkas share the same beliefs and hopes for our country in terms of providing jobs for Filipinos and alleviating poverty. Kaabang-abang po talaga ang project na ito dahil sigurado akong kapag nakita ninyo, mas lalo pa ninyong mamahalin ang ating nag-iisang Star for All Seasons,” ani Royeca.