NAPASLANG ng mga awtoridad ang naarestong hinihinalang kawatan na nanloob sa isang bakery, nang mang-agaw ng baril ng pulis habang isinasailalim sa booking procedure sa loob ng Holy Spirit Police Station (PS 14) ng Quezon City Police District (QCPD), Linggo ng umaga.
Kinilala ni QCPD Director, P/BGen. Nicolas Torre III ang napatay na suspek na si Jose Lemery Palmares, Jr., 33, ng Brgy. Culiat, Quezon City.
Sa ulat ni P/Lt. Col. May Genio, Station Commander ng PS 14, bago ang insidente ay hinoldap ng suspek dakong 4:31 pm noong Sabado ang Balai Pandesal/Soya Bean Outlet na matatagpuan sa Congressional Extension, sa Brgy. Culiat.
Nakunan ang insidente ng CCTV, at nakitang tinangkang saksakin ng suspek ang kahera bago tumakas tangay ang P6,000 kita ng bakery, gayondin ang cellphone ng cashier.
Agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng PS-14 sa Sitio Balud, Congressional Avenue Extension, Brgy. Culiat, Quezon City na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek dakong 5:10 am kahapon.
Dinala sa tanggapan ng Police Community Precinct 1 (PCP-1) ng PS-14 ang suspek ngunit habang sumasailalim sa booking procedure ay biglang inagaw ang service firearm ng Investigator-On-Case, na si P/SSgt. Juderick Latao, hanggang nagpambuno ang dalawa.
Nakaramdam ng panganib ang mga awtoridad para sa buhay ng kanilang kasamahan kaya agad na binaril ang suspek.
“Nalingat ‘yung isa sa mga bantay…Ay bigla na lang, hindi naman siya ‘yung involved na bantay do’n, nadamba, nakuha ang baril niya. E napilitan ang mga pulis natin na barilin siya,” pahayag ni P/BGen. Torre III.
“Hindi naman natin kagustohang patayin ‘yung tao na ‘yan. Nagkataon lang talaga na tawag ng pagkakataon. Dinala namin sa ospital, chine-check namin ang sitwasyon…Dead on arrival yata kanina,” dagdag ng QCP chief. (ALMAR DANGUILAN)