SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
MASAYANG madamdamin ang naging pagbabalik ni Vhong Navarro sa noontime show ng ABS-CBN, ang It’s Showtime. Hindi napigilan ni Vhong ang mapaluha sa pagbabalik niya kahapon bilang isa sa mga host ng It’s Showtime.
Bagama’t nagbitiw ng salita si Vhong na hindi siya iiyak kapag nakabalik ng Showtime, hindi iyon nangyari dahil ramdam na ramdam niya ang ogkasabik din ng mga kasamahan niya sa noontime show gayundin ang madlang pipol.
“Share ko lang din. Pagpasok ko rito sa ABS, sabi ko ayokong umiyak, ayokong umiyak. Kasi ito ‘yung pangalawang bahay ko, eh.
“Dito, kung anuman ang pinagdaraanan mo sa buhay, tanggap ka rito. Dahil ito ‘yung mga kapatid ko eh, ito ‘yung pamilya ko. At kasama roon ang madlang pipol, extension kayo ng pamilya namin.
“Kaya lang, pagdating ko rito sa backstage, wala eh, talagang bumabagsak talaga siya (luha),” sambit ni Vhong.
Apat na buwan ding hindi napanood si Vhong sa It’s Showtime simula nang makulong sa NBI detention center noong September 19, 2022 at sa Taguig City Jail dahil sa rape case na isinampa ni Deniece Cornejo.
“Ang sarap ng pagtanggap niyo sa akin. Hindi ko alam kung paano kayo pasasalamatan. Sa mga taong nagdasal, naniwala at hindi ako iniwan.
“Hindi kasi ako nanood ng ‘Showtime’ mula noong nasa loob ako kasi ayokong makadagdag na… nami-miss ko kasi kayo. Ayoko… nalulungkot ako lalo kaya iniiwasan ko na manood.
“Sabi ko, manonood na lang ako kapag nakalabas ako. Kaya lang, paglabas ko, hindi ko pa makakaya pala na bumalik agad kasi may mga proseso na kailangan.
“Pero mabait ang Panginoon. Talagang hindi Niya ako pinabayaan kaya nandito ako uli.
“Maraming salamat sa ABS-CBN dahil mayroon pa rin akong trabaho at nandito pa rin ‘yung pamilya ko,” tuloy-tuloy na sabi pa ni Vhong.
“Kapag nandoon ka pala sa loob, ang hirap kasi nakita ko ang mga kasama ko roon, ‘yung inmates ko sa NBI at sa Taguig, naawa ako roon sa mga walang dumadalaw sa kanila.
“Yung iba, iniwan na ng pamilya at ‘yung iba, parang katulad ko na wala naman ginawa pero nandoon.
“Ite-test ka talaga ni God kung ano ‘yung faith mo sa Kanya. Kaya sabi ko kay Kuya Ogie (Alcasid), ‘yung hope at faith, dapat magkasama ‘yan.
“Hindi puwedeng isa lang diyan, mas mataas. Dapat parehas at pantay. So, kumapit ako sa Panginoon.
“Kumapit ako sa asawa ko, sa mga anak ko, sa pamilya ko, sa mga kaibigan ko, at sa mga taong nagdarasal at naniniwala sa akin kaya patuloy akong lumaban na malagpasan ‘yung mga problemang pinagdaraanan ko,” pagbabahagi pa ni Vhong sa naging karanasan niya habang nasa NBI detention center at sa Taguig City Jail.