HATAWAN
ni Ed de Leon
ALL set na ang taping ng television specials ni Ate Vi (Vilma Santos) para sa pagdiriwang ng kanyang ika-60 taon sa showbusiness. Ang hinihintay na lang ay iyong schedule nga niya para kunan na ang interview sa kanya sa studio.
Marami na ang nagawa sa mga ibang video na kailangan para sa special. Naipon na nila ang mga mahahalagang footage mula sa kanyang mga pelikula. Nakunan na rin ng footage ang lahat ng mga artistang nakasama niya na nagbigay ng tribute sa kanya, pati na ang mga director na nakasama niya sa pelikula. Sayang nga lang at ang ilang mahahalagang director na nakasama niya sa kanyang mga pelikula ay yumao na. Wala na ang dalawang National Artists na sina Yshmael Bernal at Lino Brocka. Wala na rin ang henyong si Celso Ad Castillo.
Yumao na rin sina Marilou Abaya, Maning Borlaza, at Danny Zialcita.
Pero ewan kung totoo na nakakuha rin sila sa archives ng mga video ng mga director na iyan na nagsasalita tungkol kay Ate Vi.
Nakatutuwa naman at marami ang nag-share kahit na ng kanilang personal video collection.
Nakita na namin ang script at concept ng specials. Mala-Hollywood ang dating. Mukhang mananalo pa ng mga award ang
special na iyan.
“Talagang pagbubutihin naman namin iyang special na iyan. Bihira sa isang artista ang umaabot nang ganyan katagal at aktibo pa sa kanyang career,” sabi ng producer na si Chit Guerrero.