ILANG araw bago magpalit ang taon, inamin na ng anak ni dating Manila Mayor Isko Moreno, ang Kapuso actor na si Joaquin Domagoso na isa na siyang ama.
Ang pag-amin ay isinagawa ni Joaquin sa presscon ng launching movie niyang That Boy In The Dark na ginanap sa penthouse ng West Avenue Suites sa Quezon City noong December 30.
Ani Joaquin, mahirap pala ang maging isang ama pero aminadong kakaiba at masarap ang feeling kapag nakikita at nakakalaro niya ang anak nila ni Raffa Castro. Si Raffa ay anak ng newscaster at dating aktor na si Diego Castro.
Ngayon lamang nagsalita at nagkuwento si Joaquin ukol sa anak nila ni Raffa na pinangalanan nilang Scott Angelo Domagoso). Isinilang ang sanggol sa FEU Medical Center noong April 28, 2022.
Bago matapos ang media conference may ibinahaging statement si JD (tawag kay Joaquin).
Aniya, “Opo. Me and my family were both happy na my son is eight months old. And mahirap po talagang umalis ng bahay. Mahirap ho kasi lagi ko siyang miss, tulad ngayon, at maraming feelings na hindi mo mararamdaman talaga.
“Hindi ko siya maisip kasi you were not a father before, but now that you are, parang iba na ‘yung mundo kaya po mahirap siya.
“There’s so much new feelings all the time na nakaiiyak at nakatutuwa.
“‘Yung mga nakita ko before, hindi ko naintindihan na sinasabi ng tatay ko or ‘yung mama ko.
“Ngayon, parang nage-gets ko na kaya ito ginawa kasi gusto nila na ganito ang mangyari sa akin,” dire-diretsong sabi ni JD.
Samantala, pinuri naman ni direk Adolf Alix Jr. si JD sa magaling na pagkakaganap nito sa kanilang pelikulang That Boy In The Dark na handog ng BMW8 Productions.
Para sa isang baguhan, ani direk Adolf, magaling ang pagkakaganap ni JD bilang isang bulag sa pelikula (bagamat medyo may kaunting naaaninag ang aktor).
“Sabi ko kay Joaquin noong nag-start pa lang kaming mag-shoot, ang crucial naman kahit bago naman siya ang importante naman maintindihan niya ang role niya at ‘yun nga makinig lang naman para makapag-collaborate. Ang acting naman kasi hindi lang sa akin, hindi lang sa kanya, mag-meet lang halfway kung paano ang gagawin.
“Ang role naman kasi niya nakakakita siya pero temporary blindness. Hindi naman totally blind may in shadows ‘yung nakikita niyang vision, unti-unti in-explain namin sa kanya at okey din naman ang mga suporta sa kanya sina Ms Lotlot, Ms Glydel, Kuya Monching, Taya Nanding so natulungan siya kumbaga to prepared, esplika pa ng direktor ng horror-suspense movie.
Waging Best Actor ang binata ni Isko sa Toronto Film And Script Awards, Five Continents International Film Festival sa Venezuela, at sa Boden International Film Festival sa Sweden.
Makakasama ni JD sa That Boy In The Dark sina Lotlot de Leon, Glydel Mercado, Ramon Christopher, Kiko Ipapo, Nanding Josef at ang anak nina Glydel at Tonton Gutierrez na si Aneeza Gutierrez.
Mapapanood na ang That Boy In The Dark sa mga sinehan simula sa January 8, 2023. (Maricris Valdez)