SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
TULOY-TULOY pa rin ang pagtulong ni Venus Emperado Apas kahit hindi pinalad na manalo ang kanyang IpaTupad Partylist noong nakaraang eleksiyon dahil na rin sa kanyang advocacy na makatulong sa marami nating kababayang kapos at salat sa kanilang pamumuhay.
Kamakailan, pinarangalan si Ms. Venus bilang Modern-Day Renaissance Woman in Business Management and Leadership ng Netizen’s Best Choice Awards na ginanap sa Okada Grand Ballroom. Kasama niyang pinarangalan ang kanyang anak na si Roven Zeil Apas at kapatid na si Gielito Emperado na namamahala ng kanilang family-owned business na IC Construction, Inc.
Isang successful entrepreneur si Venus at siya rin ay isang government policy and program consultant. Mula sa kanyang successful stint as a businesswoman sa Singapore ay bumalik siya ng Pilipinas para magtayo rito ng negosyo at gamitin ang kanyang natapos sa Nanyang Technological University sa Singapore.
Sa tagal ng kanyang pagiging consultant sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ay namulat ang mga mata ni Ms. Venus sa samo’t-saring problema na kinahaharap ng ating bansa. Nais niyang maibahagi ang kanyang tagumpay sa ating mga kababayan lalo na ang mga OFWs na malapit sa kanyang puso.
Marami pa tayong aasahang maganda mula kay Ms. Venus at sa kanyang IpaTupad Partylist, may eleksiyon man o wala, mananatili siyang tapat sa layuning makatulong sa mga nangangailangan ng walang bahid na kapalit na hinihingi.