SIPAT
ni Mat Vicencio
MALAMANG na magbago ang mukha ng politika sa Maynila kung tuluyang hindi na tatakbo sa Senado si Senator Imee Marcos at sa halip ay magdeklara ng kanyang kandidatura bilang mayor ng lungsod sa darating na 2025 midterm elections.
Hindi iilang political observers ang nagsasabing madaling mananalo si Imee bilang mayor ng Maynila at malaking bentaha para maging behikulo sa kanyang balaking sumunod sa yapak ng nakababatang kapatid na pangulo.
Ang usapin din sa propaganda ay madaling maikakasa at maipararating ni Imee sa taongbayan sakaling maging mayor ng Maynila dahil ang nasabing lungsod ay kabisera o capital ng Filipinas.
Ang Maynila ay itinuturing na sentro ng kalakalan at politika, at kung idedeklarang Mayor sa 2025, malaking impact ito sa political career ni Imee at siguradong magiging take off sa kanyang planong pagtakbo at manalo bilang pangulo sa 2028.
Samantala sa Senado, maraming kakompetensiya si Imee at halos lahat ng mga senador ay gustong pumapel sa mga kontrobersiyal na isyu, hindi tulad sa Maynila, kung siya ang mayor, solo niyang magagawa ang kanyang mga plano at programa.
At hindi rin tamang sabihing higit na paborable at malaking pakinabang para kay Imee kung tatakbo at mananalo bilang senator sa 2025 kung ikokompara sa pagkakataon o oporturnidad na kanyang makukuha sa sandaling pamunuan ang nasabing lungsod.
Kaya nga sa sinasabing plano ni Imee, malamang na maraming politiko sa Maynila ang magdeklara ng kanilang suporta sa kanyang kandidatura, kabilang na ang mga ‘Iskonian’ na nasa kampo pa ngayon ni Mayor Honey Lacuna.
Hindi rin natin alam kung ang binabalak na puwestong ibibigay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kay dating Mayor Isko Moreno ay kanyang tatalikuran at pipiliin na tumakbong muli bilang mayor.
Pero masasabing malabong magbangga talaga sina Imee at Isko dahil sanggang-dikit ang dalawa at inaasahang susuportahan ng dating mayor ang senadora sakaling pormal na magdeklara ng kanyang kandidatura bilang mayor ng Maynila.
Sa planong gagawin ni Imee, malaking bagay at nakasalig ang kanyang balakin sa pagiging pangulo ng kanyang kapatid na si Bongbong lalo na ang usapin sa makinarya, organisasyon at salapi para masiguro ang plano sa Maynila.
Kaya ngayon pa lang, kailangan paghandaan ni Mayor Lacuna ang binabalak ni Imee at tapatan ang mga serbisyong ginagawa at gagawin pa para mabigo ang inaasahang panalo ng senadora sa Maynila sa 2025. Kayanin naman kaya?