SWAK sa kulungan ang isang mister matapos makuhaan ng baril sa bisa ng search warrant na ipinatupad ng pulisya sa Caloocan City.
Kinilala ni Caloocan City police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong suspek na si Jayson Faustino, 45 anyos, residente sa Brgy. 175 ng nasabing lungsod.
Ayon kay Col. Lacuesta, nakatanggap ng impormasyoon ang mga tauhan ng Sub-Station 11 ng Caloocan police na nag-iingat umano ng hindi lisensiyadong baril si Faustino.
Kaagad nagsagawa ng operation ang mga tauhan ng SS11 sa pangunguna ni P/Capt. Al Geronimo Catalan at ipinatupad ang isang search warrant na inisyu ni Vice Executive Judge Glenda K. Cabello-Martin ng Regional Trial Court (RTC) Branch 124, para sa paglabag sa Section 28 of RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) sa bahay ng suspek sa Camarin Residence 1, Brgy. 175 dakong 11:40 pm.
Nakompiska ng mga pulis ang isang kalibre .38 revolver na may limang bala, dahilan upang arestohin ang suspek nang walang maipakitang kaukulang dokumento hinggil sa legaledad ng armas.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition). (ROMMEL SALES)