HINAHANGAAN si Andi Eigenmann sa tapang ng pagtanggap nito sa mga role na ginagampanan. Hindi raw kasi ito marunong tumanggi tulad ng buong tapang na pagtanggap sa role ni Galema na mapapanood na ngayong Setyembre sa Kapamilya Gold ng ABS-CBN2.
Si Galema ay isang mabait na dalaga na tulad ng kanyang ama na si Zuma ay ipinanganak na may kambal na ahas sa kanyang balikat. Espesyal na handog pa rin ito ng ABS-CBN—ang tunay na tahanan ng hit Pinoy classics—sa afternoon TV viewers bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-60 taon ng telebisyon sa bansa at sa pagpapatuloy ng tradisyon ng pagbabahagi ng mga kuwentong minahal noon sa komiks na nagpalawak ng imahinasyon at sumalamin sa kulturang Pinoy.
Natanong si Andy kung takot ba siya sa ahas? Aniya, ”Madalas akong tanungin kung natatakot ako na may involved na ahas sa show. Sa totoo lang, wala na akong mga arteng ganoon. Hindi ko na iniisip kung takot ako o hindi, dahil trabaho ito at blessing para sa akin. Nagpapasalamat po talaga ako na nakuha ko ang opportunity na ito.”
Giit ni Andy, natitiyak niyang mahu-hook ang TV viewers sa kakaibang ganda ng istorya ng TV remake ng Galema: Anak ni Zuma.
“Kung dati po ay minahal ako ng viewers sa ‘Agua Bendita’ dahil sa dual characters ko—si Agua na mabuti at inosente, at si Bendita na medyo maldit—rito po ‘Galema,’ bagong Andi ang mapapanood nila dahil kakaiba, mas matapang, at mas mature na ang role ko,” aniya. “Dahil ginawang modernized, hindi maiinip ang viewers sa bilis ng takbo ng kuwento. Pero ginawa mang makabago, tiyak na may matututuhan pa ring aral sa aming serye.”
Buong ipinagmamalaki rin ni Direk Wenn Deramas, director ng Galema: Anak ni Zuma ang bagong teleserye ni Andi, ”Hindi puwedeng hindi kayo magising sa mga magagandang eksenang mapapanood ninyo sa ‘Galema.”
Ang Galema: Anak ni Zuma ay halaw sa longest-running Pinoy komiks series na isinulat ni Jim Fernandez na isang ekstra-ordinaryong kuwento ng pamilya at pag-ibig. Sesentro ito sa buhay ng mabuting-loob na dalaga na si Galema (Andi) na minana ang sumpa ng kanyang ama na si Zuma—ang pagkakaroon ng kambal na ahas sa kanyang balikat. .
Naitanong namin kay Direk Wenn kung mga totoong ahas ba ang ginamit sa naturang teleserye? Anito, ang mga kaeksenang ahas lamang ang totoo at ang mga nasa leeg nina Galema at Zuma ay pawang mechanical lamang dahil wala naman daw ahas na mayroong dalawang ulo.
Makakasama ni Andi sa Galema: Anak ni Zuma sina Matteo Guidicelli, Meg Imperial, Sunshine Cruz, Sheryl Cruz, Carlos Morales, Divina Valencia, Lito Legaspi, at si Derick Hubalde bilang si Zuma.
Kaya huwag palampasin ang pagbubukas ng kuwento ni Galema: Anak ni Zuma, ngayong Setyembre na sa Kapamilya Gold ng ABS-CBN.
Maricris Valdez Nicasio