PROMDI
ni Fernan Angeles
NANANAWAGAN ang mga katutubong magsasaka at mga residente ng Sitio San Roque, Barangay Pinugay Baras, Rizal kay incoming President Ferdinand Marcos, Jr., na tulungan sila laban sa panggigipit ng isang pamilyang pumoposturang tagapangalaga ng kalikasan gamit ang kuwestiyonableng Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan ng isang pumanaw ng Kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Anila, nasa labas ng Marikina Watershed ang ancestral domain batay na rin sa Presidential Decree 324 na inilabas ng namayapang Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. Pero ang Masungi GeoReserve Foundation, dedma lang sa umiiral na batas.
Ang totoo, hindi kailanman puwedeng mangibabaw ang isang MOA sa isang batas.
Wala rin naman masama kung totoong pagmamahal sa inang kalikasan ang isinusulong ng Masungi Georeserve. Ang siste, hindi naman talaga kasi ‘yun ang kanilang motibo.
Bakit kamo? Kung pagbabatayan ang prominenteng pamilya sa likod ng Masungi Georeserve, makikita ninyo ang totoo. Sino ba naman kasi ang maniniwalang mahal ng pamilyang kontratista ang kalikasan kung sila mismo ang nag-develop ng 105-ektaryang tapunan ng basura sa hangganan ng Antipolo City at bayan ng San Mateo sa lalawigan ng Rizal mahigit dalawang dekada na ang nakararaan?
Ang totoong pakay ng pamilya sa likod ng Masungi Georeserve – isang 2,700-ektaryang asyendang kanilang planong i-develop bilang isang pasyalan para lang sa mayayaman.
Ang masaklap, sukdulang sagasaan ang mga pamilyang mahigit tatlong dekada nang nananahan sa naturang kabundukan. Gamit ang kanilang private army, binakuran ang paligid ng pamayanan kaya naman ang resulta – ang mga mismong tagaroon, walang mauwian.
Ang mga magsasaka, pinagbawalang anihin ang kanilang mga pananim. Ang mga alagang hayop sa loob ng binakurang kabundukan, pinulutan na lang ng mga armadong tauhan ng Masungi Georeserve Foundation.
Maging ang kanilang banal na pook kung saan sila nagdarasal, off-limits sa kanila.
Higit pa sa pagtataboy ang dinaranas na takot ng mga residente, magsasaka at mga katutubong makailang ulit nang pinaulanan ng bala ng armadong grupo. Ang nakalulungkot, isang estasyon ng pulisya doon mismo sa lugar ng pinangyarihan.
Kaya naman sa pag-upo ng bagong Pangulo, sila’y nagsusumamo.
Dapat nang ibasura ang MOA na pinirmahan ni dating DENR Secretary Gina Lopez. Bakit kamo? Ito ang puno’t dulo ng gulo sa mapayapang pamumuhay ng mga katutubo.
Heto pa, sa rami ng pera ng pamilyang kontratista, nagagawa pa nilang palabasing sila ang dehado. Susmaryosep, kailan pa nadehado ang mga mucho dinero?