HATAWAN
ni Ed de Leon
SINASABI nilang maganda ang naging inaugural ng Pangulong Bongbong Marcos na binigyan ng malawak na coverage ng GMA Network at TV5. Noong dumating na ang oras ng panunumpa, carried na rin iyon pati ng naalisan ng prangkisang ABS-CBN. Pero may pumuna, sa GMA 7, ang nagsilbing anchors ay sina Pia Arcanghel at Atom Araullo.
Si Atom ay kilalang panig sa oposisyon at ang ermat niya ay isang aktibista kontra sa mga Marcos noon, subali’t nanatiling kalmado sa kabuuan ng coverage. Sa ganyang mga malalaking coverage, ang inaasahan sa GMA ay ang mga mas beteranong anchors. Si Mike Enriquez ay naka-leave ulit. Hindi rin naman inilagay sa coverage sina Mel Tiangco at Vicky Morales na sinasabing kontra rin sa bagong presidente. Pero ano nga ba ang gagawin mo laban sa 31 milyong Filipino?
Bukod kay Toni Gonzaga at kay Cris Villonco, walang ibang showbiz celebrities na naroroon. Hindi masyadong visible ang mga taga-showbiz na karamihan naman ay alam nating pumanig din sa kandidatong natalo. Iyan ang kaibahan sa dating Pangulong Marcos, na sobra noon ang pagpapahalaga sa showbiz dahil sinasabi niyang isa sa dahilan ng kanyang malaking lamang noon sa kanyang nakalaban ay ang pelikulang Iginuhit ng Tadhana. Bago ang kanyang re-election noong 1969, ginawa rin ang pelikulang Pinagbuklod ng Langit. Ngayon, dahil sa sinasabing nangyari rin sa ABS-CBN sa nakaraang administrasyon, karamihan sa mga artista ay pumanig sa “magbibigay ng prangkisa sa amin,” sabi nga ni Vice Ganda sa isang video. Iyong iba naman, na nagkaroon pa ng mataas na posisyon sa gobyerno noong panahon ng mga dilaw, nanatili sa kanilang political group.
Artista kasi sila eh. May sarili silang mundo. Hindi nila nararamdaman ang tunay na damdamin ng mas nakararaming masang Filipino. Kaya nang magkatapos, para silang mga sabungerong may bitbitna manok na talunan. Ngayon, abangan natin kung ano ang kahihinatnan ng showbiz. Pero naniniwala naman kaming kung maglalagay nga ang gobyerno ng mga tamang tao, na hindi magsasamantala kundi tutulong talaga sa industriya, makakabangon ang showbusiness.