Saturday , November 23 2024

Alingasngas sa bigas imbestigahan — Loren

090613_FRONT

HINIMOK ngayon ni Senadora Loren Legarda ang Senado na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas at dahil sa umiiral na kontrobersiya sa pag-aangkat at supply nito sa mga tingiang bigasan sa buong bansa.

Sa kabila ng paulit-ulit na pahayag mula sa Department of Agriculture at pagtitiyak ng National Food Authority na “ang aning bigas ng bansa ay sapat upang tumugon kahit kailan ito kailanganin, gaano man kalaki ang pangangailangan dito,” inihain ni Senadora Legarda ang isang resolusyon “upang matanto ang tamang kalagayan ng suplay ng bigas sa bansa at bigyan ng malalimang pagsusuri sa mga tungkulin at polisiyang ipinatutupad ng DA at ng NFA alinsunod sa ating layuning makamit ang matagalang katatagan sa suplay nito.”

Aniya, inihain niya ang naturang Resolusyon dahil sa pabago-bago at di-magkatugmang pahayag ng mga kaukulang ahensya ng pamahalaan tungkol sa kasapatan ng bigas sa mga pamilihan sa kabila ng lumalawak na karaingan ng mga mamimili sa patuloy na pagtaas sa presyo nito kaalinsabay ng paglitaw ng mga alegasyon ng katiwalian sa pag-aangkat ng bigas sa ilalim ng pangangasiwa ng mga nabanggit na ahensya.

Ang pinakamurang commercial na bigas na P27 lang kada kilo ilang buwan lang ang nakararaan ay naging P34 na samantala ang susunod na mas mahal na uri ngunit mas maayos sa panlasa ng karaniwang mamimili ay nasa P41 na kada kilo.

Idinadahilan ng DA na ang pagtaas ng presyo ay dala ng artipisyal na kakulangan sa bigas na pakana umano ng mga rice miller at mga negosyanteng itinatago ang kanilang mga hawak na imbentaryo.

Pero mariing itinanggi ito ng mga nagmamay-ari ng gilingan at mangangalakal ng bigas.

Anila, ang kakulangan sa suplay nito ang nagtulak sa kanilang taasan ang presyo ng bigas.

“Nais man nating unawain ang DA at paniwalaan ang kanilang pagtitiyak na sapat ang imbentaryo ng bansa, hindi maitatangging patuloy ang pagmahal ng tinitinging bigas bawat kilo. Kailangan natin alamin at busisiin ito bago pa man tayo humantong sa kalagayang gaya noong taon 2008 na ilang kanto ang haba ang mga pila ng mamimili ng bigas at halos hindi na makayanan ng marami sa ating mga kababayan ang presyo nito,” paliwanag ni Legarda.

Para kay Legarda, kailangan umanong patatagin ang suplay at presyo ng bigas dahil “ayon sa Bureau of Agricultural Research, bente porsyento ng perang nakalaan para sa pagkain ng isang pamilyang Filipino ay napupunta sa panustos o pambili ng bigas.”

“Ibig lang sabihin nito, malaki ang epekto ng biglaang pagtaas sa presyo ng bigas sa kakayahan ng isang pamilyang matugunan ang pangangailangan sa pagkain. Kung ang kalagayang ito ang sisiguro sa pagkagutom ng buong mga kamag-anakan sa bansa, kailangan nating kumilos upang hindi mangyari ang ating kinatatakutan,” diin niya.

Ang mga alegasyong “overpriced” ng P457 milyon ang pinakahuling inangkat na bigas ng NFA ay nagtulak din sa kanyang hilingin sa mga kasamahan niya sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso na magsagawa ng pagsisiyasat sa kontrobersiya.

Ayon kay Legarda, “paroo’t parito na ang mga paratang ng bawat panig sa isyung ito. Panahon na upang mapag-alaman natin kung sino ang nasa panig ng katotohanan sa palitan ng alegasyong ito.”

“Hindi maaaring isantabi na lamang natin ito dahil napakalaki ng halagang nakapaloob sa importasyong ito. Ang P475 milyon naibulsa umano sa transaksyo ay napakinabangan na sana ng bayan at hindi ng iilan,” dagdag na pahayag ni Legarda. “Sa aking komputasyon, nasa 7,000 pamilya ang mapapakain ng nasabing halaga sa isang buong taon. Mapapatubigan din nang ganoon kalaking pondo ang sakahang pitong beses ang lawak sa lupang sakop ng UP Diliman. Ito rin ang halaga ng higit siyam na milyong aklat sa pampublikong paaralan.”

Sa dulo ng imbestigasyon, matatanto ng pamahalaan kung kinakailangan nang repasohin ang tungkulin ng NFA sa pagpapatatag ng presyo at suplay ng bigas sa bansa sa gitna ng pagdududa sa kakayahang gampanan ang mga mandatong nakaatang sa balikat ng ahensya.

Marami nang organisasyong kumakatawan sa iba’t ibang sektor gaya ng Gabriela party-list, at malalaking alyansa ng mamimili at consumers gaya ng Bantay Bigas, ang kumwestiyon sa mga pahayag ng DA at ng NFA ukol sa suplay ng bigas sa bansa. Maging ang ABAKADA – Guro ay nanawagan na rin upang imbestigahan na ng Mababang Kapulungan.

Ngayong linggo lamang, nagbabala ang Ang Gawad Pinoy Consumers Cooperative na maaring umabot pa sa P2 bilyon ang mawawala sa pamahalaan kung hindi mapipigilan ang napipintong pag-angkat ng bigas ng NFA sa mga susunod na buwan. Pinagdududahan din ng mga organisasyong nabanggit ang kakayahan ng dalawang ahensya at ang katapatan sa kanilang tungkulin na tiyakin ang matatag na presyo at sapat na suplay ng bigas sa mga pamilihan sa bansa.

HATAW News Team

About hataw tabloid

Check Also

Technology and Resilience Take Center Stage in DOST 9 RSTW

Technology and Resilience Take Center Stage in DOST 9 RSTW

The Department of Science and Technology (DOST), in collaboration with Western Mindanao State University (WMSU), …

MOHS Remed Pharmaceuticals

MOHS acquires major pharma company

In pursuit of its strategy of vertical integration of its flagship healthcare and wellness business, …

First Lady Liza Marcos nagbigay ng ayuda sa mga biktima ng bagyo

First Lady Liza Marcos nagbigay ng ayuda sa mga biktima ng bagyo

PINANGUNAHAN ni First Lady Marie Louise “Liza” Araneta Marcos ang distribution ng ayuda sa daan-daang …

Benhur Abalos Jr Senate

Benhur Abalos, top 9 ng Tangere Survey para  sa 2025 senatorial race

KUNG gagawin ngayonang eleksiyon, pasok sa ika-9 na puwesto si Atty. Benjamin “Benhur” Abalos, Jr., …

Mary Jane Veloso

Mary Jane Veloso uuwi na — Marcos

KINOMPIRMA ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na uuwi na sa Filipinas si Mary Jane Veloso …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *