SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
LIMANG dekada na sa showbiz si Rez Cortez pero ngayon lang siya magbibida. Ito ay sa pelikulang Mang Kanor ng AQ Prime Stream.
Natatawang tsika ni Rez sa launching ng AQ Prime Stream, bagong streaming app na ginanap sa Conrad Hotel, kung kailan siya umedad ng 66 ay at saka siya nagbigyan ng ganitong klaseng role. Napapayag kasi siyang gumawa ng love scenes.
Pero iginiit ni Rez na kahit siya’y 66 na kaya pa rin niyang sumabak sa mga love scene.
“Kalabaw lang ang tumatanda. Hindi naman nakakapagod kundi nakakadiri na! Ha-hahaha! Pero ang binigyan naman ng focus, ang mga babae.
“Kasi, ‘yung mga sexy, ganyan-ganyan. Kung mayroong breast exposure sila, eh, si Mang Kanor, nag-breast exposure rin. Ha-hahahaha!” ani Rez.
“Pero sabi ko nga, huwag na nating iano… alam mo na, i-suggest na lang natin na nakahubad siya. At hindi naman kailangang ipakita na nakahubad.
“At maa-achieve naman natin ang ating gustong ipakita sa audience na without showing na talagang hubad ka. Ang binigyan na lang ng ano, siyempre, ‘yung mga babae na sexy,” sambit pa ni Rez.
Ang Mang Kanor ay base sa viral video scandal ng isang senior citizen noong 2018.
“Mang Kanor is a very controversial character nu’ng mga 2018. And kahit na nga ganoon si Mang Kanor, siya rin ay isang taong nagsisi sa kanyang mga ginawa.
“At sana, kapulutan ng aral ng mga kabataang babae na huwag basta-basta magtitiwala sa isang katulad ni Mang Kanor,” sambit ng veteran actor.
Paglalarawan ni Rez sa kanyang karakter na ginagampanan, “Initially, siyempre, sabi ko nga, ‘Kontrabida na naman, ’di ba? Kontrabida pero hindi siya ‘yung rapist na talagang animal or makahayup na karakter.
“Dahil si Mang Kanor ay tao rin. May pakiramdam, mayroon din siyang compassion. May pagmamahal. Pero ‘yun na nga, baluktot.
“Kasi nga, ang sa kanya, tumutulong siya pero may kapalit. Ang sa kanya naman, nakatutulong siya, pero sa maling pamamaraan,” aniya pa.
Makakasama rin sa nasabing movie sina Via Veloso, Rob Sy, Nika Madrid, Seon Quintos at marami pang iba. Idinirehe naman ito ni Greg Colasito.