Kahit na nag-iisa sa itaas ng standing, hindi pa rin magpapabaya ang Letran Knights na umaasang makakaulit kontra Lyceum Pirates sa 89th National Collegiate Athletic Association (NCAA) Men’s Basketball Tournament mamayang 6 pm sa The Arena sa San Juan.
Sa unang senior division game sa ganap na 4 pm ay maghihiwalay ng landas ang San Sebastian Stags at Emilio Aguinaldo College Generals na ang layunin ay makaakyat sa ika-apat na pwesto.
Nanguna ang Knights pagkatapos ng first round sa kartang 8-1 at pagkatapos ay sinimulan ang second round sa pamamagitan ng 77-70 panalo kontra Mapua Cardinals noong Sabado.
Sa kanilang unang pagkikita ay dinaig ng Letran ang Lyceum, 61-53, noong Hulyo 20.
Magkaganito man ay ayaw ni coach Caloy Garcia na maliitin ng kanyang mga bata ang kalaban.
Ang Knights ay pinamumunuan ng sentrong si Raymond Almazan, na siyang leading kontender para sa Most Valuable Player award. Ang 6-7 na si Almazan, isang two-time defensive player of the year, ay nakatakdang lumahok sa PBA rookie draft na gaganapin sa Nobyembre.
Ang iba pang inaasahan ni Garcia ay sina Mark Cruz, Kevin Racal, Ford Ruaya, Rey Nambatac at Jonathan Velorio.
Ang Pirates ni coach Bonnie Tan ay kasosyo ng Arellano Chief sa ikawalong puwesto sa record na 3-7. Ang tanging eye-popping win ng Lyceum ay kontra defending champion San Beda (70-66) noong Hulyo 4. Subalit wala na silang napabagsak na iba pang heavy weight sa torneo.
Kapwa may 4-5 records ang Stags at Generals. Ang magwawagi sa kanila ay tatabla sa Jose Rizal Heavy Bombers (5-5) at magkakaroon ng mas magandang tsansang makaabot sa Final Four.
Buong-buo na ang loob ng mga rookies ni coach Topex Robinson na ngayo’y animo mga beterano na. Kabilang dito sina Leodaniel De Vera, Bradwyn Guinto, Jamil Ortuoste at C-Jay Perez.
Ang Generals ay sumasandig kay Cedric Happi Noube na isa sa mga katunggali ni Almazan para sa MVP award. Si Noube ay sinusuportahan nina John Jamon, Igee King at Jolas Paguia.
(SABRINA PASCUA)