PROMDI
ni Fernan Angeles
HINDI pa man nakakapanumpa bilang ika-17 Pangulo ng bansa, gusto agad pasabitin si President-elect Ferdinand Marcos Jr. sa proseso ng paagtataalaga ng Sekretaryo.
Bulong ng impormante, ginagapang umano ni outgoing Energy Secretary Alfonso Cusi na tiyaking kakampi niya ang uupong Energy Secretary.
Partikular na tinukoy ng impormante ang napipisil at itinutulak na ipalit sa kanyang pwesto bilang DOE chief si Sagip partylist Rep. Rodante Marcoleta.
Ang siste, may butas sa kanyang pag-atras sa karera ng mga nais maging senador para sa 19th Congress.
Ang totoo, ang pag-atras ni Marcoleta ang pinakamagandang ginawa niya lalo pa’t tila malabo siyang makalusot base sa resulta ng mga political surveys.
Nasa Pangulo ang kapangyarihang pumili ng mga karapat-dapat na taong pwedeng mamuno sa iba’t ibang departamento – kabilang ang DOE.
Sa isang banda, mas angkop kung rerebisahin muna ng screening committee sa kampo ni Marcos Jr. ang mga probisyon at reglamentong sumasaklaw sa pag-atras ng isang kandidato. Sa kaso ni Marcoleta, kay Comelec Commissioner George Garcia siya nagsumite ng Statement of Withdrawal – at hindi sa Comelec En Banc na nakasaad sa Omnibus Election Code.
Sa madaling salita, mali ang proseso. At kung mali ang proseso, lumalabas na hindi pala talaga ganap ang pag-atras ni Marcoleta.
Pero teka, sino nga ba ang nagpa-atras sa dating Sagip partylist congressman? Tampok sa mga huntahan ng mga miyembro sa loob ng PDP-Laban ang diumano’y pambubuyo ni Al Cusi kay Ka Dante Marcoleta para umatras na lamang sa karera ng senado, kasabay ng pangakong ipapa-appoint na lamang siya sa gabinete ng administrasyong Marcos.
Di ba’t kapwa kasangga ni Cusi ang dalawa pang ibang target pamunuan ang DOE? Paano na si Mikey Arroyo at ang bata niyang si Atty. Agnes Devenadera ng Energy Regulatory Commission? Mukhang nagkalaglagan na! Kaya naman pala biglang nabura ang kanilang pangalan sa talaan ng mga pinagpipilian para sa posisyon ng DOE Secretary.
Ang tanong, naaayon ba sa Omnibus Election Code ang pagtatalaga sa pwesto ng isang naghain ng kandidatura? Hindi ako isang election lawyer – ni hindi nga ako abogado, pero sa aking simpleng pananaw di pwedeng italaga sa pwesto sa loob ng isang taon pagkatapos ng halalan ang sinumang nakapaghain ng kandidatura, kesehodang tumuloy o umatras sa karera.
Hay naku… talaga yatang ayaw ni Al Cusi sa isang ekspertong tulad ni Benito Ranque na suportado ng mga kasapi ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP), Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), at Philippine Export Confederation (PhilExport). Takot ba si Al Cusi mabulatlat ang kanilang mga bulilyaso? O ayaw lang mahinto ang kanilang raket sa DOE?