NADAGDAGAN daw ang pressure ni Julia Montes ngayong nalipat ng timeslot ang kanilang teleserye nina Enchong Dee at Enrique Gil, ang Muling Buksan Ang Puso.
Sa isang interbyu, inamin ni Julia na medyo natakot siya sa bago nilang timeslot. “May pressure kasi mahirap ang third slot eh. Sana suportahan pa rin ng mga tao, wala naman iyon sa timeslot. Sana lahat ng mga sumusuporta, patuloy pa rin nilang panoorin,” giit ng batang aktres.
“Lagi ko pong sinasabi na never nawala sa akin ang pressure kahit sa maliit na bagay. May ganoong factor ako, mahirap kasi na makampante. Iba pa rin ‘yung feeling na nape-pressure ka para at least mas napapagbuti mo ang trabaho mo,” dagdag pa ni Julia.
Para sa kaalaman ng publiko, bagamat nailipat sa third slot ang Muling Buksan Ang Puso hindi naman ito natinag ng katapat na show dahil nakakuha pa rin ito ng 22.3% na ratings mula sa comparative ratings na inilabas ng Kantar Media kahapon, Setyembre 3. Mayroon namang 18.0% lamang na rating ang katapat nitong Mundo Mo’y Akin.
Bagamat may kaba, iginiit ni Julia na tiwala siya sa desisyon ng Kapamilya Network na ilipat ng timeslot ang kanilang teleserye. Ang ABS-CBN management daw ang nakaaalam ng mga bagay-bagay.
“Hindi naman namin masyado iniisip. Nangyari rin iyon sa amin last time sa ‘Walang Hanggan’ so medyo okay lang. Sana lang tangkilikin pa rin kami ng mga tao,” anang dalaga.
Excited nga si Julia sa Muling Buksan ang Puso dahil makakatrabaho niya ang magaling at veteran actor na si Christopher de Leon. Hindi ito ang unang pagkakataong makakatrabaho ni Julia si Boyet. Nakatrabaho na niya ang actor sa Maalaala Mo Kaya?
Sa pagpasok ni Boyet sa Muling Buksan Ang Puso, lalong magiging kapana-panabik ang bawat tagpo nito kaya huwag kaliligtaang tumutok lagi sa seryeng ito pagkatapos ng Juan dela Cruz at Got To Believe.
Maricris Valdez Nicasio