PROMDI
ni Fernan Angeles
SA NAPIPINTONG pag-upo bilang Energy Secretary ng artistahing anak ng isang dating Pangulo, marami ang nagtaas ng kilay. Dangan naman kasi, tila may mali.
Ayon sa progresibong consumer group na United Filipino Consumers and Commuters, dapat pag-isipang mabuti ni incoming President Ferdinand Marcos, Jr., ang paghirang kay Mikey Arroyo sa Department of Energy (DOE), lalo pa’t may pagdududa sa kanilang motibo sa puwesto.
Para kay Rodolfo “RJ” Javellana na tumatayong pangulo ng UFCC, ‘bad news’ kung itatalaga ang batang Arroyo sa departamentong ang mandato’y protektahan at isulong ang kapakanan ng mga konsumer sa public utility services.
‘Di ko kilala si RJ pero sa mga nakalipas na panahon, nakita ang kanyang paninindigan sa isyu ng public utilities. Isa sa kanyang agresibong isinusulong – ibalik sa gobyerno ang pangangasiwa sa energy industry.
Hamon ni RJ kay Marcos, tupdin ang Article 12, Section 17 at 18 na babawi ng kontrol ng mga bilyonaryong oligarko sa serbisyo ng koryente, tubig, toll roads at iba pa.
Sa napabalitang pag-upo ni Mikey Arroyo sa DOE, nalagay sa kompromiso ang tsansa ng Pangulong makatupad sa pangakong pagbaba ng buwanang singil sa koryente. Ganoon ang nangyari nang italaga ng pa-retirong Pangulo si Alfonso Cusi sa DOE.
Bagamat wala pang kompirmasyon ang kampo ni Marcos hinggil sa puwesto ng Energy chief, nanawagan si RJ — ibayong pagbabantay sa DOE at pagkapon sa motibo ng pag-upo ng batang Arroyo sa departamentong para lang sa mga tunay na eksperto.
Eto pa, di rin pala kalinisan ang rekord ng batang Arroyo. Taong 2009, nabisto ang ‘di niya pagdedeklara ng P63.7-milyong halaga ng beach property sa San Francisco Bay Area (US) na kanyang binili (at inilipat sa pangalan ng misis niya) sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth.
Ang nakatatawa, aminado siyang donasyon sa kampanya at perang regalo ng ninong/ninang nila sa kasal ang ipinambili sa naturang property.
Sabit din siya sa P73.85-million tax evasion case na inihain ng Bureau of Internal Revenue dahil di nagsumite ng income tax return taong 2005, 2008 at 2009 – panahong Pangulo pa ang kanyang inang si Gloria Macapagal-Arroyo.
Isa rin siya sa 70 kongresistang nagpasara ng ABS-CBN.
Diskompiyado rin ang ilang energy players sa pagtatalaga kay Mikey bunsod ng umano’y interes ng pamilya Arroyo sa Aboitiz Power, isang pribadong energy company na pinangangambahang mitsa ng panibagong monopolyo sa koryente.
Bantay-sarado ka Mikey Arroyo!