TATLONG opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nagtangkang kikilan si Janet Lim Napoles, ang utak ng kontrobersyal na P10-billion pork barrel scam.
Ibinunyag ito ni Justice Secretary Leila de Lima ngunit pansamantalang hindi pa pinangalanan ang tatlo na pawang deputy directors.
Kaugnay nito, hinamon ng NBI si Atty. Lorna Kapunan, ang abogado ni Napoles, na pangalanan ang sinasabing mga ahenteng nagtangkang mangikil kay Napoles.
Sinabi ni NBI Spokesperson Atty. Cecilio Zamora, dapat lamang na tukuyin ni Kapunan kung sino ang mga sinasabi niya dahil lubha nang naaapektohan ang buong ahensya sa mga alegasyon. Una nang lumabas ang balitang may dalawang opisyal ng NBI na nagtimbre kay Janet Napoles kaugnay ng warrant of arrest kasunod naman ay ang pahayag ni Kapunan na dawit ang NBI, maging ang Department of Justice (DoJ), sa pangingikil sa kanyang kliyente.
Sinabi ni Kapunan, may nag-alok sa kanyang kliyente na ibabasura ang kaso kapalit ng P300 milyon at iginiit na may recorded tape sila na tinanggahin ito ni Napoles. (BETH JULIAN)