AKSIDENTENG nahukay ang isang pampasabog o hand grenade sa Navotas City, kahapon ng umaga.
Sa nakarating na ulat kay Navotas City police chief Col. Dexter Ollaging, dakong 10:20 am nang madiskubre ni Marcelino Estrada, 46 anyos, ng Kapitbahayan St., Brgy. NBBS Kaunlaran ang isang hand grenade Fragmentation MK2 (High Explosive) sa Lapu-Lapu St., sa naturang barangay.
Lumabas sa imbestigasyon ni P/Cpl. Billy Godfrey Aparicio, nagbubungkal ng lupa si Estrada sa naturang lugar malapit sa tulay para magtanim ng gulay nang aksidente niyang mahukay ang nasabing granada.
Agad niyang ipinaalam sa mga tauhan ng Navotas Police Kaunlaran Sub-Station 4 ang natuklasan, na siyang humingi ng tulong sa Explosive Ordnance Disposal (EOD).
Nagresponde sa naturang lugar ang mga tauhan ng EOD sa pangunguna ni P/EMSgt. Amadeo Ponpon, kung saan ligtas nilang narekober para sa safekeeping ang granada na kinakalawang na ngunit buo pa. (ROMMEL SALES)