Sunday , December 22 2024
PROMDI ni Fernan AngelesI
PROMDI ni Fernan Angeles

Eksperto, hindi polpolitiko sa DOE

PROMDI
ni Fernan Angeles

SA NAPIPINTONG pag-upo ni President-elect Bongbong Marcos bilang ika-17 Pangulo sa Hulyo, higit na kailangan ang ibayong pagkilatis sa mga itatalaga sa iba’t ibang departamento.

Sa nakalipas na tatlo’t kalahating dekada, nagmistulang gantimpala sa mga sumuporta sa kandidatura ng mga nagdaang Pangulo ang mga sensitibong puwesto sa pamahalaan – kabilang ang Department of Energy, isang kagawarang higit na angkop ang pagtatalaga ng mga eksperto higit pa sa mga kasanggang politiko.

Usap-usapang sa hanay ng mga kilalang negosyante, ang hangad na pamunuan ng artistahing anak ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang DOE. Ang totoo, lubhang kritikal ang naturang departamento dahil sa enerhiya nakasalalay ang ekonomiya ng bansa.

Paano ang operasyon ng mga pabrika kung walang koryente? Ang mga mag-aaral, paano mag-aaral kung nababalot ng karimlan at alinsangan ang silid-aralan? Paano ang mga manggagawa patungo sa kanilang trabaho kung tuluyan nang tatalikuran ng mga tsuper at operator ang pamamasada dahil sa sukdulang taas ng presyo ng krudo at gasolina?

Ilan lang ‘yan sa mga malulumpo sakaling maluklok sa DOE ang isang Kalihim na ignorante sa masalimuot na sektor ng enerhiya.

Ang napakasakit Kuya Eddie, tulad ni outgoing Energy Secretary Al Cusi, wala rin nagawa ang panganay na anak nila PGMA at Big Mike bilang Chairman ng House Committee on Energy para ibsan ang pagtaas ng presyo ng gasolina, krudo, kerosene, LPG at kuryente.

Ang pagbaba sa presyo ng koryente, gasolina, krudo, kerosene, at LGP ay bahagi ng poverty alleviation program ni outgoing President Rodrigo Duterte. Ito ang campaign promise ni incoming President BBM habang umiikot sa halos lahat ng sulok ng Filipinas.

Pero walang nagawa si Energy Secretary Al Cusi kundi palakasin ang pag-unlad at pag-asenso ng kanyang pinapaborang oligarchs.

Wala rin pagkakaiba si Mikey Arroyo at si Al Cusi na isang loyal na sundalo nina PGMA at Big Mike.

Minsan kong nakakuwentohan sa telepono ang mahusay na lider-negosyanteng si Sergio Ortiz-Luis, Jr., na tumatayong presidente ng Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP), bukod sa itinuturing siyang haligi sa likod ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) at Philippine Exporters Confederation (PhilExport).

Aniya, higit na angkop maupo sa naturang ahensiya ang isang taong nakapagpamalas ng husay, sapat na kaalaman at tapang na manindigan sa ikabubuti ng bansa. Hindi man niya direktang binanggit, mas lumalabas sa aming maiging kuwentohan na pabor siyang sa loob ng DOE humugot si incoming President BBM ng susunod na Kalihim ng nasabing departamento.

Sa isang banda, tama rin naman. Hindi na kailangan pang mag-aral ng itatalagang DOE Secretary. Walang masasayang na oras lalo pa’t higit na kailangan ang agarang tugon ng gobyerno sa gitna ng nag-aalimpuyong sentimiyento ng iba’t ibang sektor bunsod ng dagok na dala ng napakamahal na koryente at produktong petrolyo.

Hindi kailangang sumugal ng susunod na Pangulo sa bulong ng isang kaalyadong nangungulit ipuwesto sa DOE ang anak na si Mikee Arroyo na nahaharap sa kabi-kabilang asunto kabilang ang tax evasion.

Hindi puwedeng tawaran ang posisyon ni SOL, lalo pa’t itinuturing siyang haligi sa larangan ng komersiyo.

Hindi hamak na mas alam ni Ginoong Ortiz-Luis, Jr., ang kahihinatnan ng bansa kung isang trapo o polpol na politiko na naman ang hahawak ng naturang departamento.

About Fernan Angeles

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …