NAHIRAPAN ng todo ang College of Saint Benilde Blazers bago naitakas ang 57-55 panalo kontra Jose Rizal University Heavy Bombers sa 89th NCAA senior men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan.
Hinirang na best player si Jonathan Grey matapos magsalpak ng walong puntos, tatlong rebounds at dalawang assists upang ilista ang 4-6 baraha ng CSB.
May pag-asa sanang makapuwersa ng overtime o panalo ang JRU subalit nataranta ang mga ito sa huling tatlong segundo ng oras.
Nananatiling nasa pang-apat na puwesto ng team standings ang Heavy Bombers tangan ang 5-5 baraha.
Sa halftime, hinawakan ng Heavy Bombers ang manibela 27-23 subalit pumihit sa CSB ang lamang, 27-33 nang umarangkada ang Blazers ng 10-0 run sa umpisa ng third canto.
Hindi naman nagpabaya ang mga bataan ni coach Vergel Meneses dahil naitabla nila sa 35-all mula sa dalawang technical free throws ni Philip Paniamogan.
Sa unang laro, dumaan din sa butas ng karayom ang Perpetual Help Altas bago nasungkit ang 82-80 panalo laban sa Arellano University Chiefs.
Bumira si Harold Arboleda ng apat na free throws upang ilista ng Altas ang 8-2 win-loss card at samahan ang defending champions San Beda College Red Lions sa second place.
Nasa ibabaw ang Chiefs 80-78 subalit tinabla ito ni Arboleda matapos isalpak ang dalawang libreng tira may 1:55 minuto na lang sa payoff period.
Nagsalpak ulit ito ng dalawa sa foul line mula sa offensive rebound nito sa airball ni Nosa Omorogbe may anim na segundo na lang sa orasan.
Lumayo ang Altas nang rumagasa si rookie Juneric Baloria ng 10 sunod na puntos para sa 77-70 abante may 4:24 pa sa fourth quarter.
Bumira naman ng 10-1 run ang Chiefs para makuha ang bentahe, 80-78 sa nalalabing 2:24 minuto.
Nalaglag sa eighth to ninth place ang Arellano kasama ang Lyceum of the Philippines Pirates hawak ang 3-7 karta. (ARABELA PRINCESS DAWA)