ARESTADO ang dalawang kobrador ng loteng matapos maaktohan ng pinagsanib na grupo ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) na nagpapataya kamakailan.
Ang operasyon ay kaugnay sa malawakang pag-aksiyon na ikinasa ng QCPD laban sa lahat ng uri ng ilegal na sugal, batay sa kautusan ni QCPD District Director Remus B. Medina.
Sa ulat ni P/Lt. Col. Melgar A. Devaras ng District Special Operations Unit na isinumite kay DD Medina, nahuli sa akto ang mga suspek na tumatanggap ng pataya mula sa mananaya sa ikinasang operasyon sa kanto ng Road 20 at Pariñas St., Barangay Bahay Toro, Project 8, Quezon City dakong 7:30 pm nitong Miyerkoles, 27 Abril.
Kinilala ng mga operatiba kasama ang PNP Anti-Illegal Gambling Task Force, ang mga inaresto na sina Joselito Agno at Eric Daniel habang tinatanggap ang taya sa pamamagitan ng GCash.
Batay sa ulat ng pulisya, dumagsa ang report sa DSOU mula sa mga residente ng nabanggit na lugar kaugnay sa lantarang operasyon ng loteng.
Ang mga naaresto ay sinampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 (as amended) ng Republic Act 9287 o Illegal Numbers Game (Loteng). (ALMAR DANGUILAN)