SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
PASADONG-PASADO ang unang directorial job ni Bela Padilla. Naipakita niya ang talento at husay sa pagdidirehe sa 366 ng Viva Films na mapapanood na sa Vivamax sa Abril 22.
Kahanga-hanga si Bela na napagsabay niya ang pag-arte at pagdidirehe. Idagdag pa na siya ang nagsulat ng kuwento nito. Leading man niya sa 366 sina JC Santos at Zanjoe Marudo.
Isa kami sa nagkaroon ng pagkakataong mapanood ang 366 via private screening at hindi kami makapaniwalang malalampasan ng aktres ang expectation namin kaya hindi kataka-taka na maging ang mga co-actor niyang sina JC at Zanjoe ay ganoon na lamang ang paghanga at pagkabilib sa galing niya.
Maayos ang pagkakalatag ng kuwento ni Bela ukol sa isang long distance relationship na nang magkaroon ng pagkakataong magkasama ay nagkaroon ng trahedya. To the rescue ang kaibigang tumulong sa kanya para makalimot. Masalimuot at hindi madali ang naranasang proseso.
Bukod sa ganda ng kuwento at pagkaka-edit nito, malinis ang script at maayos ang production design. Maganda rin ang mga dialogue na ginamit na akma sa relasyong gustong mag-move-on o makalimot sa isang relasyon.
Maayos din ang acting ng mga aktor at masasabing tinutukan sila ni Bela para lalong mapaganda ang pelikula. Sabi nga ni JC, nahabag siya nang sobra dahil magnified na magnified iyong feeling dahil nakikita ‘yung close up at reaksiyon ng mata. Maayos ang pagkakakuha ni Bela nga naman sa tagpong ito.
Tiyak din na magmamarka ang ipinakitang akting ni Zanjoe na ibang-iba sa mga napanood sa pelikula at seryeng ginawa niya.
Sabi nga ni JC, isa ito sa best performance ni Zanjoe dahil sa bawat tingin markado ang ginawa niya.
Sa kabilang banda, tama ang tinuran ni Bela na malungkot ang pelikula. Ibinase ito sa true story na na-witness niya habang nagbabakasyon.
Tragic nga kung ilarawan niya ang 366. “It’s a very tragic love story. But also, going through the pandemic, I tweaked it a little bit, and 366 now has more of a significance for me.
“It’s set in a leap year kaya 366. Parang it’s now more realizing that we have to take every day and treat it as best as we could and really maximize these days.
“So if you’re given a choice, if you want to spend one day just being sad or crying or feeling bad or negative, or you could make an effort and be happy and have an extra day to fall in love and have an extra day to love yourself, where would you go and what would you choose?
“So that’s the journey of the character I play and the characters that I will be with in 366,” aniya pa.
Hindi naman sinolo ni Bela ang kredito ng husay niya sa pagdidirehe dahil sinabi niyang tinulungan siya ni Direk Irene Villamor para magawa niya ng tama ang pagdidirehe. Aniya, si Direk Irene ang nag-guide sa kanya sa buong proseso ng pagdidirehe ng 366.
Mapapanood na ang 366 sa Vivamax.