ITINALA ni Edwin Gamas ang First Maestro Mistica Custom Cues 10 Ball Open Tournament sa kanyang mahabang talaan ng mga tinamo niyang karangalan nang maghari siya nitong Linggo sa prestihiyosong torneyo na sumargo sa Bowling and Billiards, Sta. Lucia Mall sa Cainta, Rizal.
Tinalo ni Gamas si Bryant Saguiped (8-7), sa semi-final round at Franz de Leon (9-3), sa finals para angkinin ang top prize na P40,000 kasama ang Maestro Mistica Custom Cues at trophy sa 3-day (Abril 1 – 3, 2022) Games and Amusement Board (GAB) sanctioned tournament na suportado ng Ropa Commercial, LifeWave x39, Wilde Blue Chalk at ni actor Nino Muhlach.
Nagkasya naman si De Leon sa runner-up prize P20,000 at trophy.
Sa semi-finals naungusan ni Gamas si John Paul Ladao, 8-7, sa Round-of-16, at Albert Espinola, 8-5, sa quarter-final para makapuwersa ng titular showdown kay de Leon na tinibag naman sina John Rell Saguiped, 8-7, at Greg Dira, 8-6, ayon sa pagkakasunod.
“I would like to dedicate my victory to my family, friends, to the organizer and sponsor of this First Maestro Mistica Custom Cues 10 Ball Open Tournament ,” sabi ni Gamas.
Ang iba pang prominenteng manlalaro ng bilyar na sumargo sa First Maestro Mistica Custom Cues 10 Ball Open Tournament ay sina Southeast Asian Games gold medallist Chezka Centeno, Japan Champion Roel Esquilo, Former Germany World Junior of Pool representative Mark Aristotle Mendoza, Jack de Luna, Bernie “Benok” Regalario at AJ Manas.