RATED R
ni Rommel Gonzales
HANDA na muling sumabak si Ruru Madrid sa kanyang workout routine matapos magka-minor fracture sa kanang paa habang ginagawa ang stunt sa upcoming Kapuso adventure-action series na Lolong.
“The comeback is always stronger than the setback,” caption ni Ruru sa kanyang Instagram account.
Makikita sa IG account ni Ruru ang pag-flex ng kanyang dream bod at ang kanyang pagbabalik-workout.
Bago nito, inilahad ni Ruru na na-out balance siya sa ginawa niyang stunt kaya nagka-fracture ang kanan niyang paa.
“Medyo nag-alangan ako kasi parang gusto ko pang i-perfect ‘yung scene. Medyo nakulangan sa taas ng talon ko so sabi ko, ‘In this take, tataasan ko na siya,’” saad ng aktor.
“Habang ginagawa ko siya, nagulat ako roon sa sarili ko na ganoon kataas ‘yung take off ko kaya pagbagsak ko, unexpected nabigla kong na-twist ‘yung right foot ko,” patuloy niya. “’Di ko kayang tumayo dahil sa sobrang sakit.”
Kaagad na inalalayan ng medical staff na nasa set ang aktor at agad dinala sa pinakamalapit na ospital mula sa kanilang lock-in taping location.
Sa X-ray, doon na nakita ang minor fracture sa paa ni Ruru at pinayuhan siya na magpahinga muna ng dalawa hanggang anim na linggo.