PROMDI
ni Fernan Angeles
SA LOOB ng mahabang panahon, namayagpag ang mga politikong panginoon sa tatlong distrito ng lungsod ng Quezon. Ang mga maralita ‘di magawang makabangon kasi naman ang programang para sa kanila, palaging kinakapon.
Tama na, sobra na – hiyaw ng Ombudsman sa mga naghahari-harian. Sa kalatas ng Ombudsman, isang banta ang binitawan, tatlong congressman ang kanyang tatalupan. Ang target – sina Precious Hipolito, Onyx Crisologo, at Alfred Vargas na pawang kinatawan ng Quezon City sa Kamara.
Nakupo… kabit-kabit, sala-salabit sa engrandeng pangungupit. Partikular na sisilipin ng Ombudsman ang umano’y diskarteng pilipit sa mga programang tulong-hanapbuhay at pekeng pabahay ng mga kongresistang sa Batasan namamahay.
Direktiba ni Ombudsman, “moto proprio” investigation sa hangaring matukoy mga taong gobyernong nagsamantala sa milyon-milyong pisong kinaldog na tulong-hanapbuhay at ginahasang pekeng pabahay.
Ang totoo, hindi kikilos ang Ombudsman kung tsismis lang ang basehan ng mga demandang inihain sa kanilang tanggapan. Pero sa rami ng nagreklamo at dangkal-dangkal na ebidensiya, dapat dinggin ang kanilang panawagan – panagutin ang dapat managot at ipakulong ang dapat makulong.
Habang nirerebisa ng Ombudsman ang nakasampang demanda laban kina Hipolito, Crisologo, at Vargas, mga kongresistang may kanya-kanyang palabas. May abala sa pagtatakip, meron din naman kumakambyo – ang totoong isyu inililihis.
Ang dapat sana’y programang agapay sa mga nawalan ng hanapbuhay noong kasagsagan ng pandemya, naging daan sa mga kawatang ngayon ay tiba-tiba sa kanilang tinamasa. Maging si Labor Secretary Silvestre Bello na isang abogado, kombinsidong may naganap na bulilyaso. Paniwala ng Kalihim, may sapat na ebidensiya ang National Bureau of Investigation (NBI) para ang mga sangkot tuluyan nang madiin.
Higit pa sa pambuburiki ng sahod ng mga benepisaryo ang saltong kinakaharap ng prettyboy ng kongreso. Dangan naman kasi, nasa 500 pobreng pamilya ang sukdulang inagawan ng pera. Sa programang pabahay ni Vargas, ang salaping pinaghirapan at inipon sa loob ng mahabang panahon tinangay na ng alon.
Ayon mismo sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), walang programang pabahay ang gobyerno sa mga bakanteng lote ng Buenamar Subdivision, Barangay Novaliches Proper at maging sa Palmera Homes, Barangay Sta. Monica, District 5, Quezon City.
Sino ba naman kasi ang mag-aakalang may nakakubli sa likod ng kanyang maamong mukha? Akalain ba nilang peke pala ang programang pabahay ng isang kongresista?
At ang pinaghirapang pera? Ay sus, wala na!
Sa hangaring umiwas sa eskandalong hudyat ng wakas ng kanilang karera sa politika, fake news ang ginamit na taktika sukdulang pasabitin pati ang mga peryodista.
Bukas ang PROMDI para sa sumbong, pagtutuwid at suhestyon. Makipag-ugnayan sa [email protected].