HATAW News Team
DALAWANG lider sa Kongreso at limang gobernador ang kamakailan ay naghayag ng kanilang suporta para sa kandidatura sa pagkapangulo ni Vice President Leni Robredo.
Ang mga kaalyado ni Robredo at nangakong ikakampanya siya ay sina House Deputy Speakers Rufus Rodriguez (Cagayan de Oro 2nd District congressman) at Mujiv Hataman (Basilan congressman) at mga Gobernador na sina Ben Evardone (Eastern Samar), Edwin Ongchuan (Northern Samar), Eugenio “Bong” Lacson (Negros Occidental), Daniel Fernando (Bulacan); at dating Gobernador Alvaro Antonio (Cagayan).
Pinili ng pitong pinunong kalalakihan si Robredo, ang tanging babaeng kandidato sa pagkapangulo
bilang karapat-dapat mamuno sa higit 100 milyong Filipino sa loob ng anim na taon.
Para sa kanila, si Robredo ay isang matapang na lider, mabilis umaksiyon, at handang magbigay ng ayuda anumang oras. Napatunayan na niya ito sa napakaraming proyekto ng kanyang Angat Buhay program sa ilalim ng Office of the Vice President (OVP).
Hinikayat ni Hataman ang kanyang mga kapwa Muslim na iboto si Robredo dahil sa malalim niyang pang-unawa sa mga isyu sa Mindanao.
“Naiintindihan niya tayo; naiintindihan niya ang ating kasaysayan at ang ating karanasan. At dahil dito, naiintindihan din niya ang mga isyung kaharap natin sa kasalukuyan, at ang mga solusyon dito,” sabi ni Hataman nitong Miyerkoles, 16 Marso 2022.
“Pagtrato sa atin nang may dignidad. Pagtrato sa atin hindi bilang mas mababang tao, kundi bilang kapwa Filipino,” aniya.
Sinabi ni Rodriguez, pinuno rin ng Centrist Democratic Party (CDP), si Robredo ang “best choice for our country and our children.”
Inisa-isa ng mga gobernadora ang mga katangian ni Robredo na nagpapatunay na karapat-dapat siyang maging Pangulo ng Filipinas.
Sinabi ni Lacson, si Robredo ay matalino, sinsero, matulungin, at mapagkakatiwalaan. Mahalaga naman para kay Fernando na napakaganda ng track record ni Robredo sa pagsisilbi sa taongbayan at higit sa lahat, wala siyang bahid ng korupsiyon.
Para kay Evardone, halos inendoso na ni Pangulong Duterte si Robredo dahil sa sinabi nito na dapat isang “decisive, compassionate lawyer” ang papalit sa kanya. Si Evardone ay kilalang kaalyado ni Pangulong Duterte.
Sinabi ni Evardone, tuloy-tuloy ang pagbibigay ni Robredo ng tulong sa mahihirap at siya mismo ang nagpupunta sa mga liblib na barangay sa iba’t ibang bahagi ng bansa para mismo maparating ang serbisyo ng gobyerno at makinig sa hinaing ng mga nasa laylayan ng lipunan.
Mula sa pagbibigay ng solar lamps, sa pagpapatayo ng dormitory para sa high school students para hindi sila maglakad nang malayo papuntang eskuwelahan, hanggang sa pagbibigay ng tulong sa kasagsagan ng pandemya — lahat ito ay nagawa ni Robredo, sabi ni Evardone.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Ongchuan na sang-ayon siya sa sinabi ni Pangulong Duterte na dapat ang susunod na Pangulo ng bansa ay may malasakit, mabilis magdesisyon, at marunong kumilala ng tao.
Dagdag ni Ongchuan, sa isang pulong kasama ang municipal mayors, provincial at barangay officials, at sectoral heads, ay pinag-aralan nila ang track record at karakter ng mga kumakandidato bilang Pangulo.
“It came to our collective discernment that the candidate who best fits these qualities is VP Leni Robredo. With her kind of leadership, we believe that VP Leni will be beside us in our efforts for sustained progress. Hence, we express our wholehearted support to VP Leni,” sabi ni Ongchuan.
Sa isang malaking people’s rally para kay Robredo sa Alcala, Cagayan, sinabi ni Antonio, bagama’t sinuportahan ng mga taga-Alcala si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kapwa nila Ilokano, si Robredo ang nagbigay sa kanila ng tulong nang sila ay tamaan ng baha at bagyo.
Sa pahayag din ni Hataman, ipinaalala niyang naging isang “madilim na kabanata ang diktadurya, lalo para sa ating mga Moro.” Ang tatay ni Marcos, Jr. na si Ferdinand Marcos, Sr., ang diktador na namuno sa Filipinas nang halos dalawang dekada kung saan bumagsak ang ekonomiya ng Filipinas at naghirap ang buong bansa.
“Maraming pinaslang at pinahirapan. Minasaker tayo. Pinakamahalaga: Sa lahat ng kandidato, si Leni Robredo ang best chance ng Bangsamoro magtuloy-tuloy ang kapayapaan na tinatamasa natin ngayon. Kilala ko siya. Alam ko ang puso niya.Tiyak kong ipaglalaban niya ang pangarap nating makatarungan, maunlad, at makataong Bangsamoro,” ani Hataman.