AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
SA TUWING may nangyayaring pananambang sa isang politician, madalas na ipinupursigi ay politically motivated ang krimen o election related lalo na kapag nalalapit na ang halalan.
Nitong 27 Pebrero 2022, tinambangan si Infanta, Quezon Mayor Filipina Grace America sa Poblacion ng bayan. Salamat at nakaligtas ang alkalde sa pananambang na kagagawan ng hindi kilalang salarin.
Sa kabila ng wala pang konklusyon o resulta sa imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) Region 4 na election related ang insidente ay nagpahayag na ang kampo ni America na may bahid politika ang nangyari sa alkalde.
Election related agad-agad? Well, hindi rin kasi maiwasang isipin dahil nga sa nalalapit na halalan.
Nang mangyari ang pananambang o hanggang ngayon ay hindi pa naglalabas ng statement ang PNP na ang krimen ay election related. Kung baga, masyado pang hilaw lalo na kung wala pang ebidensiya o direktang nagtuturo na may kinalaman ang pananambang sa halalan. Bagamat, hindi naiwasan na ikonsidera ang nasabing anggulo.
Kung baga, porke ba malapit na ang halalan, e election related agad ang krimen? Paano kung nagkataon lang at sinamantala ng masasamang loob ang halalan para hindi sila paghinalaan. Iyan ang dapat sa isa sa silipin ng PNP.
Kaya upang maiwasan ang mga agam-agam sa motibo ng pananambang kay America, huwag munang maglabas na election related ang kaso, agad na ipinag-utos ni PNP Chief, General Dionardo Carlos ang malalimang imbestigasyon.
Sa direktiba pa rin ni Carlos, bumuo ang pulisya ng isang task force para manguna sa imbestigasyon sa pangyayari — isang special investigation task group.
Pinasisilip ni Carlos sa Police Regional Office 4 ang lahat ng anggulo na maaaring may kinalaman sa pananambang lalo’t malala rin ang problema sa quarrying sa lugar.
Ayon kay Carlos, hindi dapat ipagkibit balikat ang pangyayari at agad tratuhin bilang isang election related violence dahil lang sa nalalapit na 2022 national and local election.
Ayon sa alkalde, isang kilalang malapit na kaalyado ni Quezon Province Governor Danilo Suarez, ang utak sa likod ng pamamaril sa kanya ay kagagawan umano ng kabilang grupong kumakalaban kay Suarez sa kabila na wala pang ebidensiyang deretsong pumupukol na iringan sa politika ang nasa likod ng krimen.
Pinag-iingat ni PNP Chief ang kanyang mga tauhan mula sa mga kaduda-dudang taong magtatangkang ilihis ang imbestigasyon para lang sa pansariling agenda lalo na’t nalalapit ang eleksiyon.
Si America ay kaisa sa mga tumututol sa konstruksiyon ng Kaliwa Dam dahil sa magiging masamang epekto nito lalo sa komuidad ng mga indigenous people na nakapaligid sa lugar.
Matatandaan noong 2019, pinaslang ang dating driver ng alkalde na si Michael Cuento at tatlo pang indibidwal nang sila ay nakiramay.
Batay sa kuwento, hinalang si Michael umano ang target ng pamamaril dahil makailang beses itong pinaputukan nang malapitan. Sinabing hindi anggulong politika ang nangyaring pamamaril kahit panahon ito ng 2019 Midterm Election.
Hinalang pinaslang ang driver dahil sa quarrying sa lugar kung saan ang biktima ay isang quarry permit holder.