AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
HINDI maipagkaila ang patuloy na paglobo ng popularidad ni presidential aspirant Vice President Leni Robrero dahil sa nakikitang kakayahan nitong pamunuan ang bansa bilang susunod pangulo.
Dumarami ang grupo na nagpahayag ng suporta kay Robrero hindi lang dahil sa kakayahan nitong mamuno kung hindi dahil malaki ang tiwala nila sa bise at nakikitang “most qualified” siya kompara sa kanyang mga katunggali.
Hindi lingid sa kaalaman ng nakararami na dahil sa marami nang nagpahayag ng suporta kay Robredo ay pilit siyang ibinabagsak — kesyo nakikipagsabwatan daw siya sa komunista, kesyo binayaran daw ng tig-P500 ang kanyang 47,000 supporters na dumalo sa Leni-Kiko grand campaign rally sa Cavite kamakailan.
Pero hindi naniwala ang mga Pinoy sa paratang at sa halip lalo pang nagising at ang isinisigaw ngayon – kulay “pink” sa Mayo 2022 election.
Ano naman sa tingin ninyo kung bakit marami na’ng retiradong heneral, koronel mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang nagpahayag ng suporta kay Robredo?
Bukod sa nakitang mga positibong leadership ni Leni bilang Vice President, nakita rin kasi nila na si Robrero ang “most qualified” sa lahat ng presidentiables at nakita rin na handang repormahin ang AFP bilang commander-in-chief, sa tulong ng mga sumusuporta sa kanya na kilalang national security expert.
Ibig sabihin, siya man ay isang babae, nakitaan ng “pusong lalaki” — buo ang loob para pamunuan ang bansa at ang AFP kung saan magaganda ang kanyang mga plano para sa pagbabago ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas lalo na para sa pangmalawakang seguridad at kataas-taasang “sovereignty” ng bansa.
Nagpapatunay na maganda ang hangarin ni Robredo sa bansa ay si dating Senator Antonio Trillanes, sa pagsasabing “The vice president has a clear plan on issues of national security and sovereignty.” Si Trillanes na isang retiradong Philippine Navy officer ay tumatakbo at nagbabalik na senador sa tiket ni
Robredo para sa May 2022 national elections.
“Former senior officers of the AFP and the National Police who are helping Robredo craft security policies are sensible and snappy,” ani Trillanes sa online forum ng 1Sambayan.
Isa pang magpapatunay, naniniwala at nagtitiwala kay Robrero ay ang mga retiradong opisyal ng AFP at PNP na kinabibilangan nina Maj. Gen. Generoso Cerbo Jr., Maj. Gen. Domingo Tutaan, former chiefs of staff Gen. Hernando Iriberri at Gen. Eduardo Oban, at Vice Admiral Alexander Pama, former Navy Flag Officer in Command, na pawang nagpahayag ng kanilang suporta.
“Aside from being a good leader, VP Leni knows how to listen to her people. She is open to hearing the inputs of experts. What is “most important” is Robredo “is ready to come up with a decision in the midst of various issues and contradicting opinions,” pahayag ni Trillanes.
Iyan ang totoong lider, marunong makinig sa ideya ng iba at hindi iyong ipinagpipilitan ang gusto o sariling ideya kahit na mali at magdurusa na ang sambayanang Filipino.
Heto pa ang isa na may kredibilidad na masasabing sinusuportahan niya si Robrero bilang susunod na pangulo ng bansa, si dating Senator Rodolfo “Pong” Biazon.
Sino ba si Biazon? Siya ay isang retiradong heneral ng AFP at naging chief of staff din bago naging mambabatas.
Naniniwala si Biazon na ang “institutional sense of value” ng AFP ay nananatiling buo sa kabila ng may mga sundalong pinakasuhan ni President Rodrigo Duterte.
“The military will support a good and strong leader. VP Leni is the kind of leader who does not need to bribe the military,” pahayag ni Biazon.
Binanggit din ni Biazon ang kahalagaan ng sibilyan — ang prinsipyo na “civilian authority over the military” kung saan ito ay tiyak na mayroon ang Robredo administration.
Tandaan, pagpapaalala ng heneral. Ang alin? Ang ipinadamang kalupitan sa mga sibilyan ng diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos sa panahon ng martial law — lalo ang pagbibigay ng kapangyarihan sa militar at pakikialam sa politika.
“Never make the mistake of giving political power to soldiers because they have guns. Our military believes in the basic institutional issue that the civilian is always supreme over them,” pagpapaalala ni Biazon.
Tulad ng mga naunang retired senior officials ng AFP at PNP, si Biazon ay naniniwala sa prinsipyo at platform of government ni Robredo lalo pagdating sa seguridad ng bansa at taong bayan.
Boom! O paano iyan, e ‘di mas lalong wala nang mukha na ipakita ang nag-aakusang sinusuportahan ni VP ang komunista. Kita n’yo naman, mga dating pinuno ng AFP at PNP na sumusuporta sa pagka-presidente ni Leni. Iyan ba ang nakikipagsabwatan sa terorista?
Sinusuportahan nila si Robrero dahil sa nakita nilang kakayahan at prinsipyo ng ale lalo ang pagbibigay halaga sa sibilyan, seguridad, at sovereignty ng bansa…at higit sa lahat ay hindi nakikipagsabwatan ang susunod na presidente sa kalaban ng gobyerno.