RATED R
ni Rommel Gonzales
NAG-AUDITION si Thea Tolentino para sa role niya bilang si Jinky sa Take Me To Banaue.
Kuwento sa amin ni Thea, “Binigyan po kami ng isang scene, isa sa mga highlight niyong movie, tapos iyon ‘yung shinoot ko, tapos ipinadala ko, tapos nag-Zoom meeting kami nina direk and ‘yun nga, sinabi na nakuha ako to play the role of Jinky.
“I’m really happy, feeling ko talaga I was chosen for this role kasi I have enough tools, naipakita ko ‘yun sa audition ko, talagang nakatulong sa akin.”
Nagpapasalamat si Thea sa mga workshop niya sa GMA sa ilalim nina Anna Feleo at Anthony Bova.
“Kapag hirap na hirap ako, tatawag ako kay ate Anna, roon ako na-inspire para mas ibigay lahat sa audition ko.
“Talagang sobrang nakatulong sila sa akin.”
At timing din na katatapos lamang ni Thea ng lock-in taping niya para sa upcoming GMA series na Lolong kaya puwede siyang mag-shoot para sa Take Me To Banaue.
Unfortunately ay baka hindi kasama si Thea sa mga eksena na kukunan sa Banaue, sa Baguio kukunan ang mga eksena niya.
Hindi pa naman siya nakapupunta sa Banaue.
“Iniisip ko nga parang gusto kong sumama sa kanila sa Banaue kahit wala akong isu-shoot doon. Tapos nag-Google maps ako ng Banaue akala ko malapit lang sa Baguio, six hours pa pala,” at natawa si Thea.
Ang Fil-Am movie na Take Me To Banaue ay mula sa Carpe Diem Pictures, isang independent movie production na based sa US.
Tampok din sa Take Me To Banaue sina Maureen Wroblewitz (bilang Grace), ang American actors na sina Brandon Melo (bilang Hank) at Dylan Rogers (bilang Jordan), kasama rin sina Miss Universe Philippines 2014 MJ Lastimosa (bilang Paloma) at ang Kapuso comedian-TV host na si Boobay (bilang Rocky).
Ang director/producer ng pelikula ay si Danny Aguilar, isang Filipino-American na naka-base sa Dallas, Texas sa USA. Ito ang kanyang directorial debut.
Katuwang niyang isinulat ang screenplay ng Take Me To Banaue si Jason Rogers.
Line-produced ni Monch Bravante, ang setting ng kabuuan ng pelikula ay sa Baguio City at sa Banaue, Ifugao.