HATAWAN
ni Ed de Leon
ANG dami-daming naririnig na mga kuwento sa kalagayan ng kilalang broadcast journalist na si Mike Enriquez. Nagkaroon ng statement ang GMA na pinayagan nilang magbakasyon muna si Mike para makapagpagamot na kailangan niya. Pero sinabi niya na inaasahan nilang makababalik siya bago ang kanilang coverage ng darating na eleksiyon.
Natanong namin ang isang common friend tungkol sa totoong sitwasyon, at ang sabi sa amin maganda naman ang kalagayan ngayon ni Mike at nagpapalakas na dahil alam niyang sa pagbabalik niya sa trabaho masasabak na naman siya nang husto. This time sa kidney pala ang operation ni Mike.
Bukod sa 24 Oras, si Mike ay may radio program din umaga at maghapon pa rin ang trabaho niya bilang president ng RGMA. Madalas pa ang biyahe niya dahil kailangan niyang puntahan ang kanilang mga provincial station.
Iba ang kalagayan ng GMA sa ngayon. Halos kanila ang toptelevision programs. Iyong 24 Oras na siya nilang premiere newscast ang lumalabas na most watched television program na nagrehistro ng 16.0 % sa huling survey ng AGB Nielsen. Iyong kalaban nilang TV Patrol na may combined audience sa A2Z at Kapamilya Channel ay nakakuha lamang ng rating na 2.3%. First time rin yatang nangyari base sa aming natatandaan na ang isang newscast ay tinalo sa rating ang isang serye. Iyong serye na may pinakamataas na ratings sa ngayon ay iyong kina Gabby Concepcion at Sanya Lopez na nakakuha ng 13.4% sa ratings. Mas mababang ‘di hamak sa 24 Oras.
Iyong kalaban namang serye niyon na kasama pa si Sharon Cuneta na dating asawa ni Gabby ay nakakuha lamang 10.7% na combined ratings mula sa Zoe TV, Tv5, at Kapamilya Channel. Sa isang serye, malaking lamang iyong “3” sa ratings. Mas malalaking support pa ang mga kasamang artista roon at inaasahan nila na sa pagsali pa ni Sharon unbeatable na sila, “anyare”?
Kung sa bagay, malaking dagok talaga iyong nasara ang ABS-CBN, at kahit na sinasabi nilang milyon ang nanonood sa kanila sa internet at nagba-blocktime pa sila sa dalawang estasyon, hindi pa rin nila makuha ang reach ng dati nilang 150KW power at 50 provincial stations.